Advertisers
Pinuri ng Caloocan City Filipino-Chinese Chamber of Commerce, Inc. (CCFCCII) ang pamumuno ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan para sa mga progresibo at people-oriented na mga programa nito, sa liwanag ng kamakailang survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakita ng malakas na tiwala at kasiyahan ng kanyang mga nasasakupan.
Sa nasabing SWS survey na isinagawa mula Abril 5 hanggang Abril 10 ngayong taon, siyam sa sampung mamamayan ng Caloocan ang nagpahayag na kuntento sila sa pamamalakad nina Mayor Along at District 1 Representative Cong. Oca Malapitan, habang naniniwala rin ang karamihan sa kanila na nasa tamang direksyon ang lungsod, lalo na pagdating sa pagpapabuti ng ekonomiya at kalidad ng buhay ng lungsod.
Ayon sa resulta ng nasabing survey, ang SWS concluded na “Mayor Along and Congressman Oca Malapitan are the most trusted public servants in Caloocan today.”
Si G. Romeo Tan, Presidente ng CCFCCI, pinuri ang tatak ng pamamahala ng City Mayor at nangako ang patuloy na pakikipagtulungan ng kamara sa pamahalaang lungsod.
“Kitang-kita naman po natin sina Mayor Along at Cong. Oca ang mga pinagkakatiwalaang lingkod-bayan ngayon sa Lungsod ng Caloocan. Alam namin na ang ating lungsod ay nasa mabuting kamay at tinitiyak namin sa inyo na patuloy kaming tutulong sa kanilang administrasyon sa pagbibigay ng pinakamagandang uri ng serbisyo para sa lahat,” pahayag ni G. Tan.
Ipinahayag ni Mayor Along ang kanyang pasasalamat sa lahat ng Batang Kankaloo at sa CCFCCI sa pagtitiwala sa kanyang administrasyon ngunit binigyang-diin din na ang pangunahing layunin ng pamahalaang lungsod ay makahanap ng mga paraan kung paano pinakamahusay na mapaglingkuran ang publiko, anuman ang mga parangal at pagkilala.
“Maraming-maraming salamat po sa lahat ng ating mga kababayan na patuloy na nagtitiwala sa kalidad ng ating pamumuno, pati na rin po sa CCFCCI dahil sa walang sawang pagtulong sa atin na matupad ang ating mga layunin para sa lahat ng mga Batang Kankaloo,” sinabi ni Mayor Along.
“Masaya po ako dahil patunay lang po ito na nararamdaman ng ating mga kababayan ang magagandang epekto ng ating mga programa, ngunit hindi rin po natin nakalimutan ang unang hakbang natin ay pagsilbihan ang taong-bayan nang may aksyon at malasakit,” wika ni Mayor Along.(BR)