Advertisers
DINAKIP ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang “tirador” ng Meralco electric meter na kumikilos sa Metro Manila nang makumpiskahan ng mga metro.
Sa ulat kay QCPD Director, Brigadier General Redrico A Maranan, mula Kamuning Police Station 10 na pinamumunuan ni Lt. Colonel Robert Amoranto, nakilalang mga suspek na sina Jemboy Esguerra, 29 anyos; at Alvin Castillo, 22; kapwa residente ng Brgy. Bambang, Quezon City.
Sa imbestigasyon, 5:45 ng madaling araw, Mayo 19, 2024, habang nagpapatrolya ang operatiba ng PS 10 sa Madrinian St., malapit sa kanto ng Ybardolaza St, Brgy. South Triangle, namataan nila ang mga suspek lulan ng motorsiklo na walang plaka at may dala-dalang Meralco electric meters, dahilan para habulin at arestuhin ang mga ito.
Nakuha sa dalawa ang limang electric meters na nagkakahalaga ng P30,581.25, at ang motorsiklo.
Kakasuhan ang dalawa ng paglabag sa R.A. 7832 (Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act). (Almar Danguilan)