Advertisers
NADAKIP ng mga operatiba ng Philippine National Poluce – National Capital Regional (PNP-NCR ang isang Canadian national na isa mga pangunahing “major player” sa nasabat na 1.4 toneladang shabu sa checkpoint sa Alitagtag, Batangas noong April 15, 2024.
Kinilala ang nadakip na si Thomas Gordon O’Quinn alias James Toby Martin.
Ayon kay PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil, isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na mga elemento ng NCR Regional Intelligence Division, PRO4A, Tagaytay City Police Station at Bureau of Immigration (BI) sa Nurture Spa and Wellness sa Barangay Maitim II, Tagaytay City noong Biernes.
Kabilang si 0’Quinn sa listahan ng mga wanted sa Interpol Red Notice sa mga kasong may kaugnayan sa drug trafficking.
Nakuha sa suspek ang iba’t ibang uri ng iligal na droga, sophisticated electronic devices, at iba’t ibang uri ng identification document sa iba’t-ibang mga alias.
Pero tumanggi si Marbil na tukuyin ang partisipasyon ng suspek, na aniya kabilang sa mga tukoy na mga dayuhan na pinaniniwalaan mga miyembro ng isang international drug syndicate.
Sinampahan si O’Quinn ng kasong paglabag sa Section 11 (Illegal Possession), Article II of R.A. 9165, Article 178 (Using Fictitious Name and Concealing True Name) ng Revised Penal Code sa Office of the Prosecutor, Department of Justice sa Manila City.
Sinabi ni Marbil na tuloy-tuloy ang imbestigasyon at paghahanap sa ilang tukoy na dayuhan nasa likod ng pagpuslit ng shabu.(Mark Obleada)