Advertisers
IPINA-CONTEMPT nina Senador Ronald Dela Rosa at Sen. Jinggoy Estrada si dating Philippine Drug Enforcement Agency ( PDEA) agent Jonathan Morales at Eric “Pikoy” Santiago dahil sa patuloy na pagsisinungaling sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Dela Rosa.
Sa pagdinig ng Senado, paulit-ulit na itinanggi ni Morales ang mga dokumento na nakuha ni Estrada mula sa PDEA ukol sa mga kasong kinaharap niya na naging sanhi ng kanyang pagkatanggal sa sebisyo.
Lalong nairita ang mga senador nang humingi pa ng original na kopya si Morales kay Estrada sa mga dokumento na hawak ng mambabatas sa kabila na certified true copy ang hawak ng senador mula sa PDEA.
Tinanong ng mga senador ang PDEA sa naturang dokumento, na pinatunayan ang authenticity ng hawak ni Estrada partikular ang isa pang dokumento na nilagdaaan ni Morales nang pumasok siya sa PDEA, na pinasinungalingan niyang na-dismiss siya sa PNP noon.
Sa huli, napuno na si Estrada sa patuloy na “pagsisinungaling” ni Morales kaya’t hiniling ng senador sa komite na i-contempt siya, na sinang-ayunan naman ni Dela Rosa.
Hindi pa tinapos ni Dela Rosa ang pagdinig kahit dumalo na si dating Executive Secretary Paquito Ochoa at itinanggi ang mga alegasyon ni Morales, dahil sa aantayin pa ng una na umayos ang kalusugan ni James Kumar para makadalo sa susunod na pagdinig at doon aniya tatapusin ang imbestigasyon sa “PDEA leaks”.
Itinakbo Lunes ng umaga si Kumar sa Makati Medical Center nang ma-stroke, at lumabas din sa pagsusuri na tinamaan din siya ng acute bronchitis. (CESAR MORALES)