Advertisers
NASAWI ang isang residente ng subdibisyon nang makipagtalo sa guwardiya nang sitahin sa ipapasok nitong construction materials sa Barangay Bayanan, Bacoor City, Cavite.
Kinilala ang biktima na si alyas “Richard”, manager ng isang kompanya, at residente ng Villa Felicia Subdivision ng nasabing lugar, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo, sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Mabilis namang tumakas ang salarin na si alyas “Rudy”, 53, officer-in-charge (OIC)/security guard ng Star Matrix Security Agency na aka-destino sa naturang subdivision.
Sa ulat, 9:10 ng umaga nang papasok ang biktima sa main road ng Villa Felicia subdivision sakay ng kanyang kulay puti na Mazda 323 Sedan (UMA 374) nang parahin ng sekyu at sitahin hinggil sa karga nitong construction materials.Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang barilin ng guardya ang biktima sa ulo ng dalawang beses gamit ang kanyang issued firearm.
Mabilis na tumakas ang sekyu bitbit ang baril na ginamit sa pamamaslang.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya sa agarang ikadarakip ng salarin.