Advertisers
MATAPOS ang serye ng mga pagmumura at panglalait at pambababoy sa pagkatao ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanilang ‘Maisug Prayer’ rallies, gusto na ngayon ni Davao City Mayor “Baste” Duterte na makipagbati sa Pangulo at nais na manatiling buo ang Uni Team ng Marcos-Duterte tulad ng lumaban sila noong 2022 elections.
Ito’y matapos namang isapubliko ni dating presidential spokesman (ni Digong) na si Harry Roque na nakatakdang suspendihin ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Baste, hindi lamang dahil sa mga pagmumura niya kay PBBM kundi dahil narin sa pagpatupad niya ng ‘war on drugs’ sa kanyang lungsod kungsaan ilan na ang napatay.
Sinuspinde na ng PNP ang mga pulis ng Davao City PNP na nagpatupad ng war on drugs.
Nauna nang inanunsyo ng Marcos administration na ayaw nito ng madugong giyera kontra iligal na droga.
Maliban sa ibinunyag ni Roque sa nakatakdang pagsuspinde kay Baste, isiniwalat din niya ang posibleng pag-aresto kay ex-President Rody Duterte ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kinakaharap nitong ‘Crimes Against Humanity’ kaugnay ng war on drugs, at pagpa-impeach kay Vice President Sara Duterte-Carpio.
Nagbabala pa si Roque ng ikalawang Marcos dictatorship, at nanawagan siya ng people’s power para pigilan ang mga hakbang na ito laban sa Dutertes ng Marcos.
Sa ginawang ito ni Roque na pagpanawagan ng peoples power, maaring makasuhan siya ng ‘sedition’, tulad ng ginawa nila noon sa mga indibidwal na komokontra sa Duterte administration. Weder weder lang talaga. Hehehe…
***
Sa pagpipiga ng mga kongresista kay dating Health Secretary Francisco Duque sa kontrobersoyal na multi-billion peso Pharmally scam, nabunyag na si dating Pangulong Duterte ang nag-utos sa PNP at AFP na huwag sundin ang Senado sa pag-aresto sa mga opisyal ng Pharmally, na ang nasa likod ay ang dating Presidential economic adviser ni Digong na Chinese national, si Michael Yang.
Si Michael Yang ay can’t be reached simula nang matapos ang termino ni Duterte at imbestigahan ang Pharmally.
Si Michael Yang ay inaakusahang “drug lord”. Ang kanyang interpreter na si Lincoln Ong ay isa sa mga may-ari ng warehouse sa Mexico, Pampanga na nakuhanan ng bilyon bilyong halaga ng shabu noong 2023.
Si Michael Yang din daw ang may-ari ng shabu lab sa Davao City na sinalakay noon ng PNP-Drug Enforcement Unit sa pamumuno ni Colonel Eduardo Acierto.
Pero nang imbestigahan ng Senado si Acierto sa kanyang 2018 report ay siya pa ang kinasuhan, hinanting, at nilinis ni noo’y President Duterte sa droga si Michael Yang.
\***
Sa takbo ng mga imbestigasyon ngayon sa Pharmally at sa war on drugs, ang lahat ay tumuturo kina Duterte at Michael Yang.
Ipinatatawag na ng Senado si Michael Yang, pero wala na raw ito sa bansa.
Si Duterte, ipatawag din kaya ng Senado? Dapat!
Kung si late PNoy ay pinatawag nila noon sa Senate inquiry sa Dengvaxia vaccine, dapat gawin din nila ito kay Duterte. No one is above the law, Mismo!
***
Dapat imbestigahan ng Kongreso ang napakatalamak nang bentahan ng mga smuggled petroleum products sa CALABARZON partikular sa Batangas.
Bilyones ang nawawala sa gobyerno dahil sa talamak na oil smuggling. Tuldukan!