Advertisers

Advertisers

Ika-126 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ginunita sa Caloocan

0 7

Advertisers

Ginunita ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang ika-126 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang programa na pinangunahan ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at Cong. Oca Malapitan sa makasaysayang Bonifacio Monument, kasama ang panauhing pandangal na si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan gayundin ang iba’t-ibang kinatawan mula sa mga pribadong entities.

Binigyang-diin ni Mayor Along ang patuloy na pakikipaglaban para sa kalayaan maging sa ating panahon, lalo na sa pamamagitan ng pagtulad sa mga pagpapahalagang ipinakita ng ating mga Pambansang Bayani at ang aktibong partisipasyon ng mga Pilipino sa pagtugon sa mga sakit ng lipunan. Hindi dapat na mawala sa bawat Pilipino ang pakikipaglaban para sa kalayaan ng bansa na matatamasa rin ng mga susunod na henerasyon.

“Kaisa ang ating lungsod sa pagbabalik-tanaw sa katapangan ng ating mga bayani at kapwa Pilipino tungo sa kasarinlan ng ating minamahal na bansa,” wika ni Mayor Along.

“Palagi nating isapuso ang pagsasakripisyong ito sa lahat ng ating mga adhikain, para sa bawat Pilipino, para sa bansang Pilipinas.”

Ayon naman kay Abalos, ang pagbabalik tanaw at pagbibigay pugay sa mga bayani ang dapat gawin ng mga Pilipino upang manatili ang kalayaan ng bansa.

Sinabi pa ni Abalos na sa kasalukuyang panahon, hindi lamang kalayaan mula sa ibang bansa ang dapat na pagtuunan ng pansin kundi ang kalayaan mula sa problema tulad ng iligal na droga, kriminalidad, korapsyon at iba pang salot ng lipunan na nagdudulot ng pasakit at paghihirap sa bayan.

Dagdag ni Abalos, na walang imposible kung magkakaisa at sama-sama ang bawat Pilipino sa mga hamon sa buhay tungo sa maayos at payapang pamumuhay.

“Maligayang ika-126 na Araw ng Kalayaan, mga Batang Kankaloo!,” pahayag pa ni Malapitan.

“Mabuhay ang Kalayaan! Mabuhay ang Pilipinas!”(BR)