Advertisers
NAKAKAPAGDUDA ang di pagkilos at pananahimik ng di pa katagalang naitatalagang R4A Land Transportation Office (LTO) Director Elmer Decena sa alingasngas hinggil sa kolek-tong activity ng isang Randy Playboy na nagpapakilalang “bagman” ng tanggapan ng LTO Regional Chief sa Lipa City, Batangas.
Ang dating Police Chief ng Tagaytay City, Cavite ay naitalaga bilang R4-A LTO Director matapos ang kontrobersyal na akusasyong panghihingi ng payola ng tanggapan ni CALABARZON LTO Director Cupido Gerry Asuncion sa ilang bus operator sa Cavite at Laguna. Pansamantalang naupo bilang LTO Officer In-Charge si Atty. Zoj Daphne A. Usita-Angustia kapalit ni Dir. Asuncion hanggang sa itinalaga ang retired Colonel na si Elmer Decena noon lamang buwan ng Abril upang pamunuan ang nabulabog na tanggapan sanhi ng hinihinalang korapsyon. Mariing itinanggi naman ito ng pinalitang si Asuncion.
Ngunit hindi pa man nag-iinit ang puwet ni Director Decena sa kanyang pwesto ay tila “tabak ni Damocles” ang mainit na pinag-uusapang tong koleksyon ng isang Randy Playboy ng Sto Tomas City, Batangas na anumang oras ay maaring pumutol at sumira sa kanyang bagong professional career.
Hindi dapat manahimik si Director Decena, kailangang ipaaresto niya si Randy Playboy at iba pang tong kolektor upang hindi niya sapitin ang kinahinatnan ng napalitang Dir. Asuncion.
Kung hindi pa alam ni Dir. Decena na kasabay halos ng kanyang pag-upo sa kanyang tanggapan sa Lipa City bilang LTO Regional Chief ay sumulpot din si Randy Playboy at nag-umpisa nang umikot sa mga bus at van terminal operator sa buong CALABARZON at nanghingi sa mga ito ng regular na payola o intelhencia. Sa kanyang pag-iikot ay gamit ni Randy Playboy na panakot ang pangalan ni Director Decena upang tarahan ang bawat operator ng colorum van ng buwanang Php 1,500 kapalit ng walang sagabal na pagbiyahe.
Hindi kukulangin sa 5,000 passenger van ang bumibiyahe na walang prangkisa mula sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa CALABARZON at ang paglabag sa alituntunin nito ay ang mga traffic law enforcement officer ni Dir. Decena ang may mandatong magpatupad.
Sa kabuuan ay nakakaharbat si Randy Playboy ng tumataginting na Php 7.5M bawat buwan umpisa nang umupo sa pwesto si Dir. Decena. Bukod sa halagang Php 7.5M ay may napaparte pa si Randy Playboy mula sa mga kolektang tig Php 800 na “butaw” sa bawat biyahe ng mga colorum van driver para sa tanggapan ng LTO at LTFRB.
Ang mga colorum van driver ay nakakabyahe ng dalawa sa isang araw kaya nakakakolekta ng “butaw” o tong ang pekeng PNP Sgt. Buloy sa Batangas City Pier, Brgy. Sta Clara. Si alyas Sgt. Buloy din ang operator ng burikian sa naturang pier. Ang iba pang mga operator ng colorum van at illegal terminal ay sina alyas Chairman Toto, isang Alakdan, isang alyas Sgt Laisa aka Luisa at iba pang tong kolektor sa buong rehiyon na nakakakolekta ng kabuuang Php 8M araw-araw, pinagpapartehan ito nina Randy Playboy, alyas Sgt. Adlawan, tong kolektor ng PNP at ng iba pang grupo ng “butaw” kolektor.
Ang ilan lamang sa mga kinokotongan ng “butaw” nina Randy Playboy at alyas Sgt, Adlawan, mga kasabwat nila na sina Sgt. Buloy, Chairman Toto, Alakdan, alyas Sgt Laysa aka Luisa ay ang mga van driver na may rutangg Batangas City Pier via CALABARZON at Metro Manila; Walter Mart, Calicanto, Batangas City Via Balayan; Arce Subdivision, Brgy. Kumintang Ilaya, Batangas City Via Nasugbu; SM Batangas City Via Bauan; Petron Gasoline Bauan Via Tagaytay City; Walter Mart, Balayan Via Batangas City; Walter Mart Nasugbu Via Batangas City at SM Lipa City Via Bauan; Walter Mart Tanauan City Via Pala-Pala Dasmarinas City at Lemery via SM Lipa City at maraming iba pa. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144