Advertisers
INIHAYAG ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na hindi bababa sa 70 persons deprived of liberty (PDLs) na inilipat mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang dumating noong Linggo sa Leyte Regional Prison sa Abuyog, Leyte.
Ayon sa datos ng BuCor na sa mga inilipat, 50 PDLs ay nagmula sa Maximum Camp habang 20 ay mula sa Reception and Diagnostic Center ng NBP.
Ang patuloy na paglilipat ng mga PDL sa iba’t ibang operating prisons at penal farms ay bahagi ng pagsisikap ng BuCor sa decongestion at upang magbigay ng karagdagang manggagawa para sa mga proyektong pang-agrikultura.
Samantala, sinabi ni Catapang na isusulong niya ang muling pagbuhay sa pagtatayo ng corrections facilities sa Laur, Nueva Ecija, na inaprubahan na ng regional development council ng Central Luzon noong 2015.
Sinabi ni Catapang na ang naaprubahang proyekto ay naglalayong i-decongest ang NBP at dapat na ipatupad sa ilalim ng public-private partnership na kinasasangkutan ng pagtatayo ng correction facilities sa 500 ektarya na lote sa Laur, Nueva Ecija para sa NBP at Correctional Institution for Women.
“Kailangan nating balikan ang proyektong ito para bahagyang malutas ang pagsisikip sa NBP at habang naghihintay ng pondo para sa pagpapatupad ng RA 10575, o mas kilala bilang BuCor Modernization Act,” sabi ni Catapang. (JOJO SADIWA)