Advertisers
TINUKOY ng Capas police na ang umano’y middleman na nakipagkita sa nawawalang kandidata ng Mutya ng Pilipinas Pampanga 2024 at kanyang kasintahan ay isang dating pulis.
Ayon kay Capas Police chief Lt. Colonel Librado Maranang, Jr., sinibak mula sa serbisyo ang pulis at na-assign sa Angeles City Police Office.
Sa ngayon, ayon kay Maranang, mangangalap pa ng karagdagang impormasyon ang pulisya kaugnay sa background ng middleman at kung bakit ito sinibak mula sa serbisyo.
Ayon pa kay Maranang, hindi pa nila nakakausap ang dating pulis at tanging ang kaniyang abogado ang kanilang nakausap.
Una nang napaulat na nakipagkita ang Mutya ng Pilipinas Pampanga 2024 candidate na si Geneva Lopez kasama ang kanyang nobyo na si Yitchak Cohen sa isang indibidwal sa Tarlac para tignan ang 20.5 ektarya ng agricultural land na plano nilang bilhin.
Base sa report ng pulisya, huling namataan sina Lopez at Cohen 2:00pm ng Hunyo 21, habang ang ginamit na kulay gray na sport utility vehicle ng magkasintahan ay natagpuan nasunog sa may Capas-San Jose Road sa Cristo Rey village noong Hunyo 22.
Kasalukuyan hinahanap ng mga pulis ang mga testigo na makakatulong para matunton ang 2 at umapela sa sinuman na may nalalaman na makipag-ugnayan sa mga awtoridad. – Mula sa Bombo Radyo