Advertisers
HINDI ligtas sa imbestigasyon maging si Senate Sergeant-at-Arms Ret. Gen. Mao Aplasca kaugnay ng nangyaring pagpapaputok sa loob ng Senado.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na kasalukuyan nang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Pasay City Police at ang PNP-CIDG hinggil sa insidente.
Aniya, sa paunang imbestigasyon, lumalabas na si Aplasca umano ang unang nagpaputok ng baril bilang warning shots, na sinagot din ng warning shots mula sa mga tauhan ng NBI.
Makaraan ito, sinasabing nagkaroon pa ng sunud-sunod na putok mula sa puwersa ng OSSAA o Office of the Senate Sergeant-at-Arms.
Ayon pa kay Nartatez, nasa 20 iba pang indibidwal at personalidad ang kinukuhanan na rin ng mga salaysay kaugnay sa insidente.
Sinusuri na rin ng mga imbestigador ang mga physical evidence kabilang ang mga basyo ng bala at CCTV footage mula sa loob ng Senado.
Kabilang din sa sinisiyasat ng mga awtoridad ang pagtukoy kung kaninong mga armas nanggaling ang mga balang naiputok sa naturang insidente.
Dagdag pa ni Nartatez, batay sa paunang pagsusuri ng mga tauhan ng pulisya, lumalabas na ilan sa mga nakuhang basyo ng bala ay mula umano sa mga baril ng OSSAA personnel.
Tinatayang hindi bababa sa 30 basyo ng bala ang narekober sa lugar, bukod pa umano sa ilang bala na una nang napulot ng ibang mga taong nasa Senado noong araw ng insidente. (Gilbert Perdez)