Advertisers

Advertisers

ISKO SA MGA ‘SALISI’: WALA KAYONG PUWANG SA MAYNILA!

0 6

Advertisers

Tuluyan nang nalansag ng Manila Police District (MPD) ang umano’y “salisi” duo na sangkot sa pagnanakaw sa Sta. Mesa noong Hunyo 23 matapos maaresto ang ikalawa at huling suspek.
Kinilala ang nadakip na si Hercules Ebuenga Delos Santos, 20-anyos, na iniharap sa publiko sa Facebook livestream ng programang “Talk to the People” ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code o Theft.
Ayon kay MPD Director Police Brig. Gen. Arnold Santiago, nadakip si Delos Santos sa kanyang bahay sa Pasig City noong Hulyo 2 matapos ipabatid ng isang tagapamagitan sa pulisya ang balak nitong sumuko.
Nauna nang naaresto noong Hunyo 26 ang kanyang tiyuhin na si Alvin Ebuenga, na itinuturing ding sangkot sa kaparehong kaso.
Sa isinagawang pagtatanong sa programa, inamin ni Delos Santos ang kanyang pagkakasangkot sa pagnanakaw at sinabi nitong nagsimula siyang magnakaw noong siya ay 15 taong gulang pa lamang.
Nagbigay naman ng matapang na babala si Mayor Isko sa mga kriminal.
“Huwag ninyong gawin sa Maynila. Hangga’t nandito kami, pipilitin naming mapagtagumpayan ang pagkakaroon ng kapanatagan ng pamumuhay sa lungsod,” ani Domagoso.
Ayon sa MPD, ang pagkakaaresto sa dalawang suspek ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad upang matiyak ang kaligtasan at kapanatagan ng mga Manileño.(BP)