Advertisers
Hindi basta numero o statistics ang pagkilala ng World Bank sa Pilipinas bilang isang upper-middle-income country.
Isa itong makasaysayang yugto na nagpapatunay na ang isang bansang matagal na nakipagbuno sa kahirapan, krisis sa ekonomiya, at pandaigdigang pagsubok ay unti-unti nang umaangat.
Sa loob ng halos apat na dekada, nakapako ang Pilipinas sa antas ng lower-middle-income country.
Maraming administrasyon ang nangarap na maiahon ang bansa sa mas mataas na antas ng kaunlaran, ngunit ngayon lamang ito opisyal na kinilala ng isa sa pinakamahahalagang institusyong pinansyal sa buong mundo.
Sa kasaysayan, ang pag-unlad ng isang bansa ay hindi nasusukat lamang sa laki ng ekonomiya kundi sa kakayahan nitong lumikha ng mga oportunidad para sa mamamayan.
Noong dekada 1980, humarap ang Pilipinas sa matinding krisis sa utang, mataas na inflation, at mabagal na paglago.
Sinundan pa ito ng iba’t ibang pandaigdigang pagsubok, kabilang ang Asian Financial Crisis, global recession, at pandemya.
Kaya ang pag-abot ngayon sa upper-middle-income status ay hindi bunga ng isang pagkakataon kundi resulta ng mahabang proseso ng reporma at pagpapatuloy ng mga patakarang nagpapalakas sa ekonomiya.
Dapat ding kilalanin ang naging pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapatuloy ng mga programang nagbigay ng kumpiyansa sa mga mamumuhunan.
Aba’y sa ilalim ng kanyang administrasyon, isinulong ang modernisasyon ng imprastraktura, digitalisasyon ng serbisyo ng pamahalaan, pagpapalawak ng ugnayang pangkalakalan sa iba’t ibang bansa, at paglikha ng mas bukas na kapaligiran para sa negosyo. Ang mga hakbang na ito ang nagbigay ng mensahe sa mundo na ang Pilipinas ay handang makipagsabayan sa pandaigdigang ekonomiya.
Gayunman, hindi dapat maging dahilan ang tagumpay na ito upang maging kampante. Ang pagiging upper-middle-income country ay hindi awtomatikong nangangahulugan na wala nang naghihirap o pantay-pantay na ang antas ng pamumuhay. Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung mararamdaman ito ng bawat pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng disenteng trabaho, mas mataas na kita, mas maayos na edukasyon, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Ito rin ang hamong kinikilala mismo ng administrasyon—na gawing inklusibo ang paglago ng ekonomiya.
Mahalaga ring bigyang-pugay ang milyun-milyong overseas Filipino workers na patuloy na naging haligi ng ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang remittances.
Kasabay nito, nararapat lamang na ang patuloy na pagpasok ng pamumuhunan ay lumikha ng sapat na oportunidad sa loob ng bansa upang mas marami sa ating mga kababayan ang hindi na mapilitang mangibang-bansa para lamang magkaroon ng magandang kinabukasan.
Ang pagkilala ng World Bank ay hindi ang dulo ng paglalakbay kundi simula ng mas malaking pananagutan.
Ang hamon ngayon kay Pangulong Marcos at sa buong pamahalaan ay tiyaking ang pag-unlad na kinikilala ng mundo ay maging pag-unlad ding nararamdaman sa bawat tahanan.
Kung magpapatuloy ang maingat na pamamahala, matalinong reporma, at matatag na pakikipagtulungan ng pamahalaan at pribadong sektor, may sapat na dahilan ang mga Pilipino upang maniwalang ang mas maunlad na kinabukasan ay hindi na lamang pangarap kundi isang realidad na unti-unti nang natutupad.
***
Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.