Advertisers
PINURI ng isang kilalang marine biologist si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa aniya’y pagpapahalaga sa kalikasan at climate resiliency bilang pangunahing bahagi ng national agenda.
Sa kanyang pagbisita sa Biodiversity Management Bureau, Coastal and Marine Division ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kinilala ni Dr. Sylvia Earle ang natatanging papel at responsibilidad ng Pilipinas sa pagprotekta at pagpapanatili sa lahat ng buhay sa karagatan para sa kaligtasan at climate resilience ng bansa at ng buong mundo.
Bukod sa pagiging marine biologist, si Earle ay isa ring tanyag na oceanographer, explorer, unang babaeng chief scientist ng U.S. National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) at founder ng Mission Blue.
Noong Hunyo 26 ay sinisid ng 88-taong gulang na ocean explorer ang Verde Island Passage (VIP) na tinawag ng Mission Blue na isang Hope Spot bilang pagkilala sa mayamang biodiversity, kultural at ekonomikal na kahalagahan nito at nagpapalakas ng suporta para mapangalagaan ang rehiyon bilang isang marine protected area.
Nabatid na magtatayo ang grupo ni Earle ng anim na bagong marine research stations sa buong bansa.
Nagpasalamat din si Dr. Earle kay Pangulong Marcos sa pag-inspire sa mga lider sa buong mundo na magkaisa para lumikha ng isang ligtas na planeta upang mapangalagaan ang sangkatauhan.
Samantala, sa kalatas na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi naman ni DENR Sec. Antonia Yulo Loyzaga na ipinagmamalaki ng DENR na maglingkod sa ilalim ng administrasyong Marcos na pinahahalagahan at pinoprotektahan ang hindi matatawarang ugnayan ng klima, karagatan, biodiversity, at sustainable development. (Gilbert Perdez)