Advertisers
DALAWANG Chinese nationals na sangkot sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) ang naaresto ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), habang 13 Chinese nationals ang nasagip sa isinagawang operation sa Mabalacat, Pampanga, Martes ng umaga.
Kinilala ang mga nadakip sa alias Tiago at Tian Zhu.
Ang mga nasagip na 13 Chinese nationals nay kinabibilangan ng 2 babae at 3 minors ay dinala sa CIDG AOCU para sa dokumentasyon.
Ayon kay Lt. Colonel Ian Rosales, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group Anti-Organized Crime Unit, 5:30 ng umaga nang magsagawa ng operation ang pinagsanib na elemento ng CIDG Intelligence Division, Anti-Organized Crime Unit, RFU 3, Angeles Provincial Field Unit, at Pampanga Provincial Field Unit sa Parking Village Clark Freeport and Special Economic Zone sa Mabalacat.
Isinagawa ang operasyon base sa 7 search warrants sa paglabag sa R.A. 9208 (The Expanded Human Trafficking Act of 2012) mula sa sala ni Hon. Amor M. Dimatatac-Romero, Executive Judge of RTC, 3rd Judicial Region, Guagua, Pampanga, July 26, 2024.
Sinabi ni Rosales, base sa pahayag ng witness, na isa sa mga naaresto ay maintainer at ang isa ay owner ng POGO.
Nasamsam ng mga operatiba ang computers, gadgets, cellphones, safe vault at cash na P 167,400.
Ang dalawang nadakip at 8 lalaking na-rescue ay dinala sa tanggapan ng AOCU ng CIDG sa Crame.
(Mark Obleada)