P56.5m shabu at marijuana nasabat ng BoC- NAIA
Advertisers
Bilang bahagi ng kampanya laban sa illegal drug trafficking, ang Bureau of Customs Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG),ay matagumpay na naharang ang dalawang pasahero na nagtangkang ipuslit ang P56,557,000 halaga ng illegal drugs sa isinagawang back-to-back operations sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City noong August 13 at 14, 2024.
Noong August 13, 2024, nang ang isang South African passenger ay dumating mula Abu Dhabi via Etihad Airways flight EY424 ay hinarang dahil sa bitbit na 5.256 kilograms of methamphetamine Hydrochloride o shabu, na nagkakahalaga ng P35,802,000.
Kinabukasan o August 14, 2024 naman nang isang Thai passenger na dumating mula Thailand via Thai Airways flight TG620 ang inaresto dahil sa pag-iingat sa 14.825 kilo ng Kush, isang high-grade marijuana, na may tinatayang street value na nagkakahalaga ng P20,755,000.
Ang dalawang nasabing pasahero ay isinailalim sa baggage screening processes, kabilang na ang x-ray scanning, K9 inspection at physical examinations, kung saan nadiskubre ang mga illicit substances.
Ang mga naarestong pasahero at mga nasamsam na illegal drugs ay agad na dinala sa PDEA para sa custodial investigation at paghaharap ng kaso dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended, and Republic Act 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Mahigpit na nagbabala si Commissioner Bienvenido Rubio laban sa mga magtatangkang magpuslit ng mga illegal goods sa bansa at sinabi nitong: “the BOC will remain vigilant in protecting our borders against the smuggling of illegal goods.”
Sa ilalim ng liderato ni NAIA-District Collector Yasmin Mapa at deputy collector for passenger service Mark Jhon Almase, ang BOC-NAIA ay nananatiling tapat sa kanilang tungkulin na bantayan ang borders ng bansa. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)