Advertisers
MASIKIP ang landas patungo sa lugar na matatawag ang isang tao na kagalang galang at sa aga ng panahon nariyan at naglipana ang mga ibig na matawag na kagalang-galang. Tunay bang kagalang galang ang mga nagbibigay kuno ng mga ayuda, naghahandog ng “medical o dental mission”, nag-aabot ng makakain sa mga dumarating sa gawaing ibig magpakilala. At sa kabilang banda, tatawag sa taga-pamayapa dahil may nanghihingi ng makakain na wala pa sa takdang oras ng bigayan at sasabihing nanggugulo. Masakit sa loob ng lumapit dahil ibig subukan ang katotohanan sa pagbabahagi ng serbisyo ng nagpapakilalang grupo. Ang masakit, iba ang natamo, nanggugulo kuno at kailangan ilayo sa gawain. Sa pagdating ng taga pamayapa walang anumang kaguluhan ang nakita sa halip patuloy na nagaganap ang paghahanda sa gawain inilaan para sa mga kapuspalad. Sa totoo lang, walang kaguluhang naganap at sadyang ayaw matanong o mausisa sa kadahilanang hindi masasagot ang tanong na ibabato. Hayan dahil palpak ang hinaharap sa mga tao, nakuryente ang grupo at heto ilalabas ang kabobohan ng mga tauhan na maglalagay sa grupo o sa taong ibig matawag na kagalang galang sa heto’t na sitwasyon.
Sa pagtulong sa kapwa, madaling mabatid ang tunay at hindi. Ang sa una malinaw na pagtulong ang nais maging kawalan ng pagkakakilanlan o mukha ng nagbibigay tulong o ayuda. Samantala, sa pangalawa, nariyan ang kailangan ipangalandakan ang ngalan ng ‘di makalimutan sa panahon ng halalan, hayun nais magpahalal. Sa pagtulong silip na kailangan magrehistro at maging kasapi ng grupong bitbit o party list na may tinig ng magtuloy tuloy ang ayudang pinamamahagi. Sa totoo lang, puhunan sa pagpapakilala ang serbisyong dala subalit may kapalit na pagsapi na gamit sa darating na halalan. At walang puwang ang tanungan o hungkatan ng layon dahil ang serbisyo’t ‘di tapat at may katapat sa kinabukasan. Hindi kahapon ipinanganak si Mang Jua’t kabisado ang galawang pansarili ng mapagkunwari. Bistado ni Mang Juan ang linya ng panlililo na gumagastos ng malaki kung walang balik. Hindi kailangan iusal ang kapalit sa laki ng larawan at ngalan ng nagbibigay ng ayuda na todo ang pakilala, hahahaha.
Sa karaniwang tao, sapat na ang makatangap at ‘di kailangan mabatid ang sinseridad ng lumalapit na naglalakad palayo sa kanilang piling ngunit papalapit sa pwestong kagalang galang ang taguri. Walang lugar sa mga ibig magpahalal ang damdamin ng kapwa dahil ang mahalaga’y makuha ang pakay. Walang mulat o dilat dahil at walang puwang ang tanungan sa serbisyong dala para sa bayan. Ang mahalaga’y manatili sa isip at ala-ala ang ngalan dahil sa bitbit na programa na minsang napakinabangan. Ngunit nariyan ang pangangailangan higit sa oras ng halalan, ang tumugon ng tama’t may paggalang ang siyang inaasahan ng taong bayan. At sa uri ng mga kinatawan na nilalapitan, hindi makita na masisiguro na totoong serbisyo ang dala ng humihingi ng basbas para sa kinabukasan.
Sa pagsusuri, hindi na kailangang pumasok sa larangan ng politika ang mga nagbibigay serbisyo sa kapwa dahil tangan ang kaginhawahan sa buhay. Ang marangyang buhay sa uri ng kasalukuyang kabuhayan ay kasapatan ngunit bakit kailangan akitin ang mamamayan sa uri ng serbisyo na batid ang adhikain. Sa totoo lang, nakausap ang isang tauhan ng nag medical ang dental mission sa pamayanan, bangit na isang oplan pakilala ang layon sa gawaing handog at sa pagbalik ay maalala ang ginawang pagtulong kuno. At isa pa, idinako ang gawain sa pamayanan na kilala sa politika na madaling mahikayat na bumuto higit kung may-abot, oplan pa more.
Sa totoo pa rin, bakit may tao na tumutulong kung may kapalit. O’ sadyang una ang sarili bago ang bayan. Tila rurok ang makapasok sa larangan ng politika at tunay na proteksyon sa uri ng kabuhayan na tinatamasa sa kasalukuyan. Hindi una ang serbisyong handog sa bayan sa halip ito’y takip sa pagtatago sa tinatamasang masarap na buhay. Pangalawa, ‘di masasagad ang laman ng lukbutan higit kung may tagong kalokohan. Ang mapapanatili ang ngalan na may kalakip na karangalan sa pekeng serbisyong bayan ay langit higit kung walang lalabas sa sariling bulsa. Sa iilan, mainam ang tumulong na walang ingay dahil sa kabilang buhay ang pagkilala. Sa totoo lang, marangal ang tumutulong ng tahimik na hindi naghahanap ng kapalit dahil galing sa puso ang serbisyong dala. Subalit hindi ito ang kalakaran sa kasalukuyang higit sa iilan na ang mapanatili ang kayamanan ang totoong layon sa buhay, di ba tianak. Kita sa hilatsa ng mukha gamit ang kasalukuyang pwesto sa pamahalaan sa pag-unlad na ‘di matumbasan.
Ang programang dala sa pamayanan ng ibig magpakilala’y tunay na ‘di matangap ngunit dahil serbisyo ang tawag hayaan na dahil ibinabalik ang buwis na binabayad ni Mang Juan. Sa halip na mapunta sa iba o makangkong para sa sariling gamit, bahala na. Tunay na ‘di sa sariling lukbutan galing ang puhunan at sumakay sa lakas ng kaibigan, salamat at nalilo na muli ang bayan. Eh ano ang pagkakaiba kay Inday Siba na lumikha ng aklat na pambata. Huwag kang magpaloko sa mga Mapanlinlang na Representante (MR) na naglilinis linisan gayung pareho ang hakbang sa butangera ng bayan.
Banggit ang maliit na sitwasyon sa paglalarawan ng malaking kaganapan sa lipunan na ginagalawan. Tunay na naglipana ang serbisyong kuno na nagsisimulang gumagastos ng milyon milyon para masungkit ang nilalayon. Lahat gagawin magsayaw, umawit higit ang magbigay kuno ng serbisyo’t ayuda upang malilo ang manghahalal para sa pwestong pakay. Walang saysay ang lahat ng gawa kung ‘di makakamit ang pwestong asam at matawag na kagalang galang. Ang pagpapagal kuno’y ang gagawin ng makita ng bayan na tunay ang hangarin. At sa totoo lang, bakit kailangan ang gumastos sa pagpapakilala kung ang ibig ay tumulong. Hindi makitaan ng tamang paliwanag na sa kasalukuyang marangyang buhay bakit ibig pumasok sa masalimuot na larangan ng politika? O’ sadyang naglipana ang epal dahil sa kasakiman.
Sa kasalukuyan, walang Pinoy na politiko na nakaupo ang naghirap sa buhay dahil sa serbisyo pakay. Hindi makakapisil ng atleta, artista, negosyante na pumasok sa larangan ng politika sa anumang antas at nanalo ang masasabing bumaba ang dami ng yaman. Makikitaan na tunay na hagdan sa higit na pagyaman ang politika higit kung manalo sa laban. Silip sa kasalukuyan na ang mga naghaharing uri higit ang pinaka mayaman sa bansa’y hindi makahiwalay sa politika na pagsisiguro na ‘di maiipit o magagalaw ang yaman. Ang magsalin ng pwesto sa magulang tungo sa anak ang karaniwang galaw sa pagsisiguro sa kinabukasan. At sa totoo lang, hindi lang ang lumang politiko ang nagsisiguro, naglipana ang epal sa politika para sa kinabukasang may ginhawa. Di bale ang masa, tatangap lang yan at nganganga.
Maraming Salamat po!!!!