Advertisers

Advertisers

PAGKUYOG KAY GABRIEL GO NG MMDA, DI MAKATARUNGAN

0 4

Advertisers

Hindi makatarungan ang pagpapahinto kay Gabriel Go, hepe ng Metropolitan Manila Development Authority Special Operations Group–Strike Force (MMDA SOG-SF), para makalahok sa anumang clearing operations bunsod ng nag-viral na paninita niya sa isang guro na nagmo-motorsiklo nang walang suot na helmet.

At talaga namang hindi dapat na paniwalaan ang social media kung saan nagkalat ang post at re-post na suspendido daw si Go bunga ng nasabing insidente.

“Bagama’t hindi siya suspendido sa trabaho, sinuspend muna natin ‘yung clearing ops niya,” ‘Yan ang tinuran mismo ni MMDA Chairman Romando Artes nitong Huwebes, July 16.

Sa nasabing video na nai-post nitong July 14, makikita si Go na sinita ang isang rider na kalaunan ay napag-alamang teacher pala, dahil nagmamaneho ng motor nang walang suot na helmet. Isa itong paglabag sa regulasyon.

Nung malaman niyang guro pala ang rider, nagsalita si Go ng: “Teacher ka tapos wala kang helmet? Paano naman natin tuturuan ang ating mga estudyante kung ganoon?”

Dahil diyan, mabilis pa sa alas-kwatrong kinuyog ng mga teacher si Go sa social media. Nariyang minura, nilait at may iba pa diyan, ang gusto ay sibakin na nang tuluyan si Go mula sa MMDA.

Galit na galit ang mga teacher dahil napahiya daw ‘yung teacher, gayung naka-blur ang mukha ng nasabing teacher sa video na ipinost ni Go at ni di rin niya binanggit ang pangalan nito.

Sa totoo lang din, tama naman ang tinuran ni Go. Ang isang teacher, dapat nagtuturo nang tama, lalo na sa mga kabataan. Dapat maging mabuting ehemplo sila para galangin ng mga estudyante at iba pang kabataan.

Napahiya ba ika n’yo ang teacher? Di ba mas nakakahiya na isa kang teacher pero lider ka sa paglabag ng batas? Ang pagsita ni Go sa teacher ay isang uri din ng pagmamalasakit dahil para ito sa proteksyon mismo ng rider.

Ang pinakamaganda niyan, balikan natin ang ugat ng pagkapahiya diumano ng teacher. Nagmamaneho ito nang walang suot na helmet gayung alam niyang ito ay maliwanag na paglabag sa batas.

Kung isinaalang-alang sana ng guro ang pagsunod sa batas at lumabas nang naka-helmet, wala sanang naging problema para sa lahat, di po ba?

Dun naman sa mga nagpaparatang na dahil lang daw sa content ang ginagawa ni Go. ‘Yun na nga. Ang dami na niyang naging content pero hanggang ngayon may mga lumalabag pa din.

Ika nga, “the law may be harsh but it is still the law.”

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.