Advertisers
PINUNA ng mga senador ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa kabiguan nitong gawin regular ang nasa 4,000 social workers na dekada na sa serbisyo.
Sa pagdinig ng Senate finance subcommittee, inihayag ni Senador Imee Marcos, chairperson ng komite, nadismaya siya dahil mismong ang gobyerno umano ang lumalabag sa batas para sa regularization.
Base sa datos ng Senado, sa kabuuang empleyado ng DSWD noong 2023, umabot sa 31 porsiyento ang nasa job order at contractual pero ngayong taong, lumobo ito sa 41 porsiyento.
Depensa naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, may 4,000 social worker na ang inirekomenda nila para maging contractual mula sa pagiging job order na inaprubahan ngayong taon.
Aabot pa aniya sa mahigit 6,000 ang kanilang mga empleyado na nasa ilalim ng contractual kasama na ang para sa disaster response.
Ani Gatchalian, inirekomenda nila taon-taon na maisama sila sa regularization sa ilalim ng kanilang three-year plan project pero tinanggihan ng Department of Budget and Management (DBM) dahil sa kakulangan ng pondo.
Ayon naman kay Sen. Raffy Tulfo, nakakahiya aniya at dapat na mauna muna ang gobyerno bago magmando sa mga private institutions kaugnay sa pagbabawal sa contractual.
Binatikos ni Tulfo ang sitwasyon ng nasa 6,038 contractual at job order employees ng DSWD na karamihan sa kanila ay lampas 10-15 taon nang nagpapaka-alila pero wala pa ring natatanggap na mga benepisyo.
Noong nakaraang taon pa umano niya isinangguni ang naturang isyu sa DSWD ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na aksyon.
Kaya naman iminungkahi na ni Tulfo na ipatawag na rin sa susunod na pagdinig si DBM Sec. Amenah Pangandaman dahil itinuturo ni Gatchalian ang DBM.
Ito ay para maliwanagan ang komite kung makapaglalagay nga ba talaga ng regular plantilla positions sa naturang ahensya kahit na gradual ang implementasyon nito. (Mylene Alfonso)