Advertisers
ILANG tulog na lang at maghahain na ng kani-kanilang Certificate of Candidacy (COC) ang mga kandidato sa pagka senador pababa hanggang sa mga lokal na opisyales ng mga siyudad at bayan para sa gaganaping election sa May 12, 2025.
Nakatutok ang ating pansin sa CALABARZON area lalo na sa Batangas na kinukunsiderang “hotly contested” pagkat tradisyunal na umiiral ang kapangyarihan ng three Gs,(Guns, Goons and Gold). Ngayon pa lamang ay bumabaha na ang pondo mula sa iba’t ibang uri ng ilegalidad ng ilang mga pulitiko.
Pagkat pinakamataas na posisyon ang gobernador sa mga lalawigan kung kaya’t hindi biro ang ginugugol ng mga kakandidato sa posisyong ito upang makabudol ng mga botante.
Nariyan ang pamimigay ng financial support kuno sa kunwari ay napiling kwalipikadong residente, scholarship sa mga mag-aaral na galing sa sektor ng “poorest of the poor”, mass wedding/kasalang bayan 0 libreng pagpapakasal sa mga mag-asawang matagal nang nagsasama ngunit hindi nagkaroon ng pagkakataong “magtaling puso” dahil sa iba’t ibang kadahilanan at ang tumatayong ninong o ninang ay ang mga pulitikong kandidato.
Kasama rin sa panghihikayat upang makakuha ng boto ay ang pag iisponsor sa mga sports program, pagbibigay ng tulong sa mga namatayan at kung anu-ano pang uri ng pang eengganyo sa mga mamamayan lalo na sa mga botante.
Swerte at malaking kalamangan sa kanilang mga kalaban ang re- electionist, nasa poder ng pamahalaan o suportado ng mga nakaluklok sa pwesto at higit sa lahat lalong sinuwerte ang mga tusong pulitiko na tinatangkilik at suportado sa election fund ng mga ilegalista.
Tuluyang naabandona na ang kinagisnan na kampanya sa pamamagitan ng yakap-yakap, kamay-kamay, husay at galing sa pagsasalita sa tribuna ng mga kandidato. Lahat nang ikinikilos at ginagawa ng mga aspirante lalo na sa pagka gobernador ay naka-kahon, scripted o dinederihe, pinagplanuhan at pinagkakagastusan ng hindi basta-basta milyones kundi bilyong halaga ng salapi.
Anim ang matutunog na personalidad ang lumulutang na papalit sa pwestong babakantehin ni Batangas Governor Hermilando I. Mandanas. Ang mga ito ay sina Mataas na Kahoy Vice-Mayor Jay Manalo Ilagan, na dating alkalde ng naturang bayan bago ito pinalitan sa pwesto ng kanyang maybahay at ngayo’y Mataas na Kahoy Mayor Janet Magpantay-Ilagan. Suportado si Jay ng grupo ng Batangas Vice- Mayor’s League.
Si Star of All Season Vilma Santos Recto ay hindi din nagpapalamang kahit pa napabalitang komompromiso nang susuporta sa iba ang kanyang asawang ngayon ay Finance Secretary ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na si ex Senator Ralph Recto ay natural na “Yes Mam” na lang ito at kalilimutan na ang kanyang “promise” sa ibang naghahangad ng kanyang nombramiento.
Lalaban din sa pagka gobernador ang “never heard” na si Walter Ozaeta ng Brgy. 1V, Poblacion San Jose na ang ipinagmamalaking kredensial ay ang endorsement ng Partido Federal ng Pilipinas at ang pagiging isa nitong barangay kapitan, gayundin ang mabokang incumbent Vice-Governor Mark Leviste, na nababalitang boyfriend ng aktres na si Kris Aquino.
Ang pangalawang asawa ni incumbent Governor Mandanas, si Atty. Angelica Chua Mandanas ay malaki din ang posibilidad na maghahain ng kanyang kandidatura upang huwag mabitawan ang matagal na pinangungunyapitang posisyon na dapat ay iiwan na ng kanyang esposo sa Kapitolyo.
Ngunit ang higit na maugong at nagiging kontrobersyal ay ang deklaradong pagtakbo sa pagka gobernador ni 1st Consumer Alliance for Rural Energy (1-CARE) Michael Angelo Rivera. Si Rivera ay dating alkalde ng bayan ng Padre Garcia bago ito lumaban na kinatawan ng 1-Care Partylist. Sa una niyang pagsabak bilang kinatawan ng partylist ay nagwagi si Rivera, ngunit sa kanyang re- election bid noong 2022 ay sa kangkungan na ito pinulot.
Ngayon ay gobernador na ang target na puwesto ni Rivera , kahit hindi na nga ito tinangkilik ng mga Batangueño noong nakaraang halalan.
Malaking batik sa imahe ng butihing ex Congressman ang panggagamit na sangkalan sa kanyang pangalan ng dalawang kilalang ilegalista sa Padre Garcia na sina alyas Tisoy at Nonit na kapwa nasa likod ng malaganap na operasyon ng mga ilegal na pasugalan at droga sa bayang pinamumunuan ng kanyang maybahay na si Mayor Celsa Braga-Rivera.
Liban sa may mga rebisahan ng taya ng STL bookies sa bahay ng isang alyas Nilo sa Brgy. Sambat ay may pasakla din sina alyas Tisoy at Nonit sa bahay ng isang alyas Ka Monina sa Brgy. Banaba. Nag-ooperate din ang dalawa ng paihian/burikian ng produktong petrolyo sa mga barangay ng San Felipe at Bawi kakutsaba sina alyas RR at Roy. May mga “katoktukang kwago” din sina alyas Tisoy at Nonit sa mga tanggapan nina Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr., Padre Garcia Police Chief Major Raymon Dayagan, CIDG RFU 4A Col. Reynante Panay at maging sa NBI Region 4A District at Batangas District Office.
Ang nakadidismaya ay matunog ang balitang ginagamit nina alyas Tisoy at Nonit ang kanilang mga safehouse sa pagbebenta ng shabu na siya din nilang kalakal sa ibat ibang parte ng lalawigan. Malamang na hindi ito alam ni Boss Michael? Abangan ang karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144