Advertisers
SEOUL, SOUTH KOREA — Simula Setyembre 18, 2024 ay ipinagdiriwang ang ika-10 anibersaryo ng HWPL World Peace Summit sa South Korea at sa iba’t ibang lugar sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas. Sa temang “Creating World Peace Community through Regional Collaboration,” ipinagdiriwang ang isang dekada ng pagsusumikap ng mga pinuno at mamamayan na makamit ang kapayapaan, at ibinahagi ang mga estratehiya sa hinaharap para isulong ang pandaigdigang pagkakaisa.
Ayon sa HWPL, layunin ng anibersaryo na suriin ang mga nagawa mula noong 2014 at talakayin ang mga plano para sa hinaharap. Iba’t ibang sesyon ang ginaganap sa 122 na bansa sa iba’t ibang antas upang tipunin ang mga lokal na talento at magtatag ng mga network na mahalaga para sa mga estratehiyang pangkapayapaan, palakasin ang mga panrehiyong network upang harapin ang mga lokal na banta sa kapayapaan, at pagsama-samahin ang mga kakayahan ng bawat isa.
Ang Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light (HWPL), na naka-base sa Seoul, South Korea, ay isang internasyonal na NGO na kaanib ng UN Economic and Social Council (ECOSOC). Sa loob ng 10 taon ng internasyonal na kooperasyon para sa kapayapaan, ang HWPL ay may 500,000 miyembro sa 170 bansa at nagsasagawa ng mga proyektong pangkapayapaan kasama ang 1,014 partner organizations sa 105 bansa.
Binigyang-diin ni Chairman Lee Man-hee ng HWPL na ang pagkakabaha-bahagi ng relihiyon ay nagdulot ng matinding pagkawala ng buhay, kaya’t dapat pangunahan ng mga relihiyon ang pakikipagdayalogo at pagkakaunawaan.
Kaakibat ng tema ng panrehiyong kooperasyon, nakipag-alyansa ang HWPL sa intergovernmental organization na Group of 7+ (G7+) at sa Latin American Parliament (PARLATINO). Ang G7+ ay binubuo ng 20 miyembrong estado, samantalang ang Parlatino naman ay isang asembleya ng 23 miyembrong estado, na parehong itinatag upang isulong ang kapayapaan at kaunlaran.
Inilunsad din ang pambansang kampanyang na “Together: Connecting Korea” para sa pagkakaisa ng lipunan. Kasama ang 230 mga organisasyong sibiko, pinapalakas ng kampanyang ito ang koneksyon ng mga henerasyon at iba’t ibang kultura, at magsasagawa ng mga aktibidad para sa pangangalaga ng kalikasan.
Sa Pilipinas, ang lokal na pagdiriwang ay gaganapin sa Setyembre 27 bilang bahagi ng Tourism Week sa Hinigaran, Negros Occidental, at alinsunod sa National Peace Consciousness Month na ipinagdiriwang sa buong bansa.