Advertisers

Advertisers

Sindikato ng ‘buriki’ sa beach resort sa Batangas City nabunyag!

0 1,214

Advertisers

MAHIGIT apat na dekadang singkad nang nag-o-operate ang sindikato ng “paihi” o “buriki” at nabatid na kumikita ito ng bilyon-bilyong halaga mula sa pagnanakaw ng produktong petrolyo at Liquified Petroleum Gas (LPG) sa isang beach resort sa Batangas City.

Ang naturang aktibidad ay mariing kinondena ng religious at civic group sa naturang lungsod sanhi ng panganib na idinudulot nito sa mga mamamayan.

Ibinunyag ng grupong Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na maimpluwensyang angkan mula sa Puerto Galera, Oriental Mindoro ang responsable sa talamak na pilferage activity sa barangay ni Simlong Barangay Chairman Rufo Caraig.



Sinabi ng MKKB na nakapagdududa ang kawalan ng aksyon ng pulisya na pinamumunuan ni Batangas City Police Chief, LtCol. Jephte Banderado, at kung paanong nakalusot sa kanilang pang-amoy ang ilegal na aktibidad ng paihi operator na si alyas “Balita”.

Ang naturang barangay ay ilang kilometro lamang ang layo sa Batangas City Police headquarter.



Pinuna din ng MKKB ang anila ay mahinang intelligence network maging ng Batangas PNP Provincial Police Office sa ilalim ni Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr., na naglalagay sa malaking kahihiyan sa pwersa ng pulisya hindi lamang sa lalawigan ng Batangas at CALABARZON kundi maging sa Philippine National Police (PNP) sa kabuuan.

Ayon sa MKKB, mistulang sampal kay PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil, kung paanong napaglalangan nina Balita at mga tauhan nito ang mga pulis sa Batangas City sa malayang nagpapatakbo ng kunwari ay beach resort, ngunit prente pala ng paihi o buriki.



Nadiskubre ng MKKB na ang mga tanker at capsule truck ng iba’t ibang trucking firm ay dumadaan muna sa “beach resort” ni Balita na tinatayang may isang kilometro lamang ang distansya sa oil/petroleum ng Shell Depot sa Brgy. Tabangao sa naturan lungsod, bago dumiretso sa kani-kanilang delivery destination sa iba’t ibang panig ng CALABARZON, Metro Manila, Bicol, ibat ibang panig ng Luzon, MIMAROPA at maging sa Visayas Region.

Dalawang malalaking bodega ang tinukoy ng MKKB na kinaroroonan ng maraming mga drum, plastic container at iba pang uri ng sisidlan ng mga pinaihi/binuriki o pinatulo na krudo, gasolina at gas na milyones ang halaga habang sa isa pang bodega ay libu-libo namang nakaw ding tanke ng ni-refill na LPG ang nakaimbak sa naturang “beach resort”.

Taon 1980 nang nag-umpisa ang paihi/buriki operation ng ama ni Balita na siyang nagsimula at nagpalago hanggang naging mistulang imperyo ng ilegal na negosyo ng “beach resort” sa pakikipagsabwatan ng ilang tiwaling police, port at barangay official sa Batangas City.

Si alyas Balita ang nagpatuloy ng operasyon ng kanilang ilegal na aktibidad sa naturang “beach resort” nang mangibang bansa ang ama nito.

Ang orihinal na naturang beach resort ay matagal nang non-operational sapagkat di na naiibayad ng business tax o amilyar sa Batangas City Licensing Division ng may-ari nito kayat hindi na naipagpatuloy pa ang lehitimong negosyo dito.

Ang pagbuburiki o pagnanakaw ay ginagawa gabi-gabi ng may sampung stay-in na mga tauhan nina alyas Balita. Bawat tanker truck na minamaneho ng kasapakat nilang mga tsuper ay nagpupuslit sa kuta nina Balita nang ‘di bababa sa 1,000 litro ng krudo, gasolina at gas, pagkatapos magkarga mula sa Shell Tabangao Depot.

Pagkatapos na burikiin ang kanilang kargamento ay pinapalitan ni alyas Balita ng kemikal na Methanol ang katumbas na kantidad ng ninakaw na produkto upang ‘di mahalata ng mga gasoline station operator na sila ay napagnakawan at may banto na ang kanilang produkto.

Ang kargamentong LPG ay pinasisingaw ng mga alipores nina Balita mula sa capsule trucks at isinasalin sa empty tanks na pag-aari ng sindikato, saka idine-deliver sa LPG distributors, na wala ring kamalay-malay na malaking kantidad na ang naburiki sa “beach resort” ni Balita.

Matinding takot ang naghahari sa mga taga Batangas City, pagkat ayon sa MKKB posibleng maulit ang mga insidente ng pagsabog sa kuta ng sindikato, tulad ng naganap ilang taon na ang nakaraan nang ang isang barge ay sumabog habang nagpapaihi ng gasolina at krudo ang mga tripulante nito. Lima katao ang nasawi sa aksidente, habang noong 2021 ay isang motor banca na may lulang mga drum ng binuriking gasolina at krudo ang sumabog din na ikinamatay ng ilang crew ng naturang sasakyang pandagat. (CRIS A. IBON)