Advertisers

Advertisers

Bong Go: Poor internet kumakarga sa problema sa mental health ng kabataan

0 291

Advertisers

UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa telecommunications companies na ayusin naman ang kanilang serbisyo dahil ang problema sa koneksyon ng mga internet ay lalong nakadaragdag sa problema sa isipin ng mga estudyante.

“Bayad naman kayo. Pakiusap, ayusin niyo naman po. ‘Yun na ang tulong niyo sa panahong ito. Ayusin niyo ang serbisyo niyo….maraming Pilipino na gustong mag-aral at makapagtapos ng pag-aaral ngayong school year. Tapos kailangan pang lumalabas [ng bahay] para humanap ng signal,” ayon kay Sen. Go.

“Mismo kaming [mga] public officials, hirap sa session namin sa Senado. Nagkakaputol-putol nga, di kami magkadinigan. Paano na lang ang mga nasa malalayong lugar?” tanong niya.



Nagsisilbi bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health, sinabi ni Go na malaking impact sa crisis sa mental health ng Filipino, partikular ng kabataan ang palpak na serbisyo sa internet ng telcos, lalo ngayong nasa transisyon sila ng bagong uri ng pagtuturo at pagsasanay.

“Marami ang nade-depress, experiencing anxiety. ‘Yun ang tutukan nating mga Pilipino, ‘yung depression na nararamdaman,” aniya.



Idiniin ng senador na hindi na makapaghihintay ang bansa sa maayos na broadband services lalo’t ang mga paaralan, negosyo at mga serbisyo sa gobyerno ay gumagamit na ng online o internet.

Binantaan niya ang telecom companies na personal na niyang ipararating kay Pangulong Duterte ang nasabing isyu kung hindi sila magtitino.



“Full support kami ni Pangulong [Rodrigo] Duterte sa mga telcos pero interes na po ng mga kababayan natin ang pag-uusapan. Magsasalita na po ako kapag ‘di niyo inayos ang serbisyo. Ibubulong ko kay Pangulo Duterte ang mga kapalpakan na nangyayari sa telcos!” ang pakli ni Go.

Nakasalalay na sa telcos ang pag-aayos ng kanilang serbisyo dahil ginawa na ng pamahalaan na pabilisin ang proseso sa kanilang permits sa konstruksyon ng cell towers.

“Tinutulungan naman kayo ni Pangulong Duterte…. so walang rason na matatagalan. So, sa mga telcos, the ball is in your hands right now,” aniya.

“Gawan niyo ng paraan. Huwag niyo ipasa sa taumbayan ang hirap… Ang dami na pong hirap ng Pilipino. Ayusin niyo ang serbisyo niyo, tutal bayad naman kayo. Unahin muna natin ang serbisyo bago ang profit,” idiniin pa ng senador. (PFT Team)