Advertisers
MULI na namang namerwisyo ang mga prankster nang 16 food delivery riders ang nabiktima nang hindi pa nakikilalang manloloko na umorder ng higit P1 libong halaga ng pagkain sa bawat rider nitong Martes ng hapon.
Sa social media post ng netizen na si Rome Vladimir Cuevas, nagulat na lamang siya nang 3:00 ng hapon ay sunud-sunod na nagdatingan ang motorcycle delivery riders sa kanilang lugar, Paco, Maynila, ngunit hindi mahagilap ang umorder ng pagkain.
“Maawa naman kayo sa mga Food Panda/Grab Riders. Samin pa na-address. Daming order a. Party??? May parating pang iba,” ayon sa post ni Cuevas.
Sinabi pa niya na 16 riders lahat ang dumating at bawat isa ay nagkakahalaga ng mula P1,700 hanggang P1,900 ang pagkain na inorder ng prankster.
Nang magkita-kita ang mga rider, tila alam na umano nila na nabiktima sila ng manloloko.
Upang matulungan ang riders, binili ni Cuevas at mga kapitbahay ang ilan sa pagkaing dala nila habang ang iba ay umalis na lamang at iaalok sa iba ang mga pagkain.
Hindi naman umano namilit ang riders na bilhin nila ang pagkain pero ilan sa kanila ay nagmakaawa na lamang para maibalik kahit ang kanilang ipi-nuhunan.
Ang ganitong kaso ng panloloko ay maraming beses nang nangyari sa Food Panda.