Advertisers

Advertisers

MPD sa mga deboto: ‘Wag magsama ng mga menor de edad sa aktibidad sa Pista ng Itim na Nazareno

0 228

Advertisers

NAKIKIUSAP ang Manila Police District (MPD) sa mga deboto na huwag isama ang kanilang mga anak sa ilang aktibidad sa Pista ng Poong Itim na Nazareno.
Ayon sa MPD Director, Brigadier General Leo Francisco, hindi nila papapasukin o palalapitin sa Quaipo Church ang sinumang may bitbit na mga menor de edad bilang bahagi narin ng pag-iingat kontra COVID-19.
Nanawagan din sila sa mga deboto na magdala ng mga transparent na bag at lalagyan ng tubig sa pagpunta sa Quiapo Church upang mas mapadali ang pagsisiyasat ng mga pulis.
Magdadagdag rin ang MPD ng kanilang mga tauhan sa mga control point upang masiguro ang seguridad at maipapatupad ang minimum health protocols.
Bukod dito, magde-deploy din ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang distrito ng PNP sa Metro Manila ng karagdagang 4,000 pulis para masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa Pista ng Poon.
Samantala, magtatakda ang Manila City government ng apat na lugar para i-accommodate ang mga deboto na dadalo sa misa sa Quiapo Church sa ika-9 ng buwan.
Ipinabatid ni Manila Mayor Isko Moreno na kabilang sa mga itinalagang lugar na ito ang Villalobos, Carriedo, Hidalgo at Plaza Miranda, bilang konsiderasyon narin sa Simbahang Katoliko sa mga pagtitipon nito sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Mamahagi rin, aniya, ang city government ng face mask at face shield sa mga deboto sa loob ng Quiapo Church.
Una nang inihayag ni Fr. Douglas Badong, spokesman ng Quiapo Church, na hindi na muna kabilang sa pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno ang prusisyon at salubong o pahalik para maiwasan ang COVID-19 transmission. (Jocelyn Domenden)