Advertisers
NALAMBAT ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detention Group (PNP-CIDG) ang isa sa mga kapwa akusado ni dating presidential spokesperson Harry Roque at Cassandra Ong sa ‘Qualified Trafficking in Person’ sa isinagawang operation sa Mabalacat City, Pampanga.
Kinilala ni Major General Nicolas Torre III, director ng CIDG, ang naaresto na si alias “Marlon”. Nadakip siya ng mga pinagsanib na elemento ng CIDG Regional Field Unit 3, Special Operation, CIDG Pampanga Provincial Field Unit, at Mabalact City Police sa Brgy. Tabum, Mabalact City.
Inaresto si Marlon sa bisa ng warrant of arrest mula sa Regional Trial Court Branch 118, Angeles City, Pampanga. Walang ipinagkaloob na piyansa ang korte.
Nabatid na si Marlon ang operation officer ng Security Agency habang naganap ang “human trafficking in person” sa operasyon ng Lucky South 99 Outsourcing Inc. ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) na nag-o-operate sa Grand Palazzo Royal , Fil-Am Friendship Hi-way, Brgy. Cutcut, Porac, Pampanga.
Sinabi ni Torre na mayroon pang 10 counts ng warrant of arrest ang suspek sa kasong Qualified Trafficking in person na ipinalabas ng Regional Trial Court Branch 118, Angeles City at walang inirekomenda piyansa.
Hinikayat ni Torre ang 50 co-accused na kusang sumuko sa mga otoridad at harapin ang kanilang kaso dahil patuloy ang 24/7 manhunt operation ng binuo “tracker team”.
Sina Roque at Cassandra Ong ay sinampahan ng kasong “qualified trafficking in person” kaugnay ng iligal na aktibidades ng POGO hub Lucky South 99.
Nauna nang itinatangi ni Roque na hindi siya naging legal counsel ng Lucky South 99.
Sa kasalukuyang nagtatago si Roque at humihiling ng asylum sa Netherland.(Mark Obleada)