Advertisers

Advertisers

PAPI KAY PBBM: PANATILIHIN SI JAY RUIZ BILANG PCO CHIEF

0 30

Advertisers

“ANG pagpapalit ng lider sa gitna ng laban ay nagpapadala ng maling mensahe,” babala ni PAPI President Nelson Santos.

Nanawagan ang Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI), isa sa pinakamatanda at pinakamalaking samahan ng mga publisher sa bansa, kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na panatilihin si Secretary Jay Ruiz bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO) dahil sa kanyang propesyonalismo, integridad bilang mamamahayag at kakayahang maghatid ng katatagan sa isang panahong kritikal para sa komunikasyon ng pamahalaan.

Sa isang pahayag, ipinahayag ni Santos ang buong tiwala sa kakayahan ni Ruiz na pamunuan ang PCO sa gitna ng maiingay na usaping pulitikal at lumalakas na presyur mula sa publiko.



“Habang iginagalang namin ang isinasagawang pagsusuri kay Secretary Ruiz, naniniwala kami na ang pagpapalit ng lider sa gitna ng laban ay hindi makakabuti sa administrasyon—lalo na sa panahong higit na kailangan ang malinaw, maayos, at kapani-paniwalang komunikasyon,” saad ni Santos.

Si Ruiz, isang beteranong field reporter at kinikilalang broadcast journalist, ay may malawak na karanasan sa larangan ng pamamahayag. Ang kanyang malalim na pag-unawa sa media at pulso ng publiko, ayon kay Santos, ay bihirang katangian na tugmang-tugma sa mga hinihingi ng isang makabagong PCO Secretary.



“Kami sa community press at mainstream media ay saksi sa malasakit ni Secretary Ruiz sa katotohanan, katarungan, at malayang daloy ng tamang impormasyon,” dagdag pa ni Santos.

“Sa panahong laganap ang maling impormasyon, kailangan natin ang isang taong hindi lang marunong sa trabaho—kundi may tunay na karanasan sa larangan.”



Nagbabala rin si Santos sa masamang impresyon na dulot ng palagiang pagpapalit ng pamunuan sa PCO, lalo na’t si Ruiz na ang ikaapat na press secretary mula 2022.

“Isa na namang kapalit sa puntong ito ay hindi magbibigay ng magandang impresyon para sa administrasyon, lalo na’t kabi-kabila ang batikos mula sa iba’t ibang sektor ng pulitika. Ang katatagan sa komunikasyon ng pamahalaan ay hindi luho—ito ay isang pangangailangan,” giit ni Santos.

Ang panawagan ng PAPI ay kaakibat ng lumalawak na suporta mula sa mga mamamahayag at komunikasyon eksperto na nakikita ang liderato ni Ruiz bilang isang matatag na haligi sa information strategy ng pamahalaan.

“Hinihiling namin sa Pangulo na timbangin hindi lang ang pulitika kundi ang performance. Nasa likod ni Secretary Ruiz ang tiwala ng media—at iyan ay isang yaman na hindi kayang ipagsapalaran ng sinumang lingkod-bayan,” pagtatapos ni Santos.