Advertisers
NAGSIMULA nang gumawa ng mga legal na hakbang ang bagong Makati City government para suspindihin ang pagpapatupad ng P8.96-bilyong settlement na pinasok ng nakaraang administrasyon kasama ang subway contractor na Philippine InfraDev Holdings Inc. (PhilDev), na umano’y nilagdaan nang walang konsultasyon, transparency, o budget authorization.
Ayon kay City Legal Officer Ava Mari Ramel, nagpadala na ito ng pormal na kahilingan sa Singapore International Arbitration Center (SIAC), na humihingi ng panahon para pag-aralan ang mga rekord at maghanda ng definitive position hinggil sa kasunduan.
Ang kahilingan ay dumating sa gitna ng lumalaking pag-aalala sa Hunyo 23 na settlement agreement na nag-oobliga sa Makati City government na bayaran ang PhilDev ng halos P9 bilyon sa loob ng 90 araw mula sa pag-isyu ng consent award ng SIAC. Ang pag-areglo ay nagmumula sa mga paglilitis sa arbitrasyon na pinasimulan ng PhilDev matapos ang pagkansela ng Makati Subway Project.
Sinabi ni Ramel na ang settlement na ito ay hindi kailanman isiniwalat sa transition team. It was only on the assumption of Mayor Nancy Binay on June 30, 2025, that the document was turn over to the new administration,” ani Ramel.
Isang sertipikasyon na may petsang Hulyo 3, 2025, na inisyu ng Makati City Budget Department ang nagkumpirma na walang laang-gugulin sa 2025 na budget ng lungsod para pondohan ang settlement, na nagdulot ng mga karagdagang katanungan tungkol sa legalidad ng kasunduan.
Nang tanungin kung kumunsulta ang nakaraang administrasyon sa Budget Department bago i-finalize ang deal, sinabi ni Ramel na ito ay isang bagay na ang mga dating opisyal lamang ang makakasagot.
Gayunpaman, binigyang-diin ng mga opisyal ng lungsod ang budget certification noong Hulyo 3 bilang malinaw na patunay na ang settlement ay walang nakalaan na pondo.
Nilinaw din ni Ramel na hindi pa alam ng kasalukuyang administrasyon ang buong deliberasyon na humantong sa pag-apruba ng settlement, kundi kinumpirma lamang na nagpasa ng resolusyon ang nakaraang Sangguniang Panlungsod noong Hunyo 20 na nagpapahintulot sa pagpapatupad ng kasunduan ilang araw bago matapos ang kanilang termino.
Inilarawan ni Mayor Nancy Binay ang kasunduan bilang ‘grossly disadvantageous’ sa lungsod at nangakong bubuo ng fact-finding committee na mag-iimbestiga sa lahat ng public-private partnership projects na pinasok ng nakaraang administrasyon. (JOJO SADIWA)