Advertisers
MALAMANG na mabasura ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Opo! Binubusisi na kasi ngayon ng Supreme Court (SC) ang House of Representatives tungkol sa paghahain nito ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Sa pinakahuling development, iniutos ng SC na magpasa ang Mababang Kapulungan ng detalyadong paliwanag kaugnay ng impeachment trial ni VP Sara.
Isang seryosong utos ito mula sa pinakamataas na hukuman ng bansa, na malinaw na nagpapakita ng duda kung may nangyaring pag-abuso o paglabag sa proseso ng impeachment.
At kung may dapat unang tanungin dito, walang iba kundi si Speaker Martin Romualdez, na siyang nagsulong ng impeachment kahit taliwas ito sa kagustuhan ni Pangulong Bongbong Marcos at maging ng taong-bayan mismo, lalo na sa Visayas at Mindanao.
Kinailangan pang ipakuha ng Korte Suprema ang mga detalye ng apat na impeachment complaints. Pinagpaliwanag ang Kamara sa mga petsa ng endorsement, kung may sapat bang panahon ang mga mambabatas na suriin ang ebidensya, at kung nabigyan ba ng sapat na pagkakataon na makapagsalita at makapagpaliwanag si VP Sara ukol sa mga ebidensyang ipinupukol sa kanya.
Patunay lang ang mga ito na may mga kilos ang Kamara na maaaring lumabag sa due process. Mismo!
Kung hindi nagmadali si Speaker Romualdez ay naging maayos sana ang impeachment complaint na inilabas ng House of Representatives. May mga nagsasabi pa nga na pumirma ang mga congressman, sa utos ni Romualdez, kapalit ng pondo.
Ngayon tuloy, kinukuwestiyon mismo ng SC ang buong proseso. Sa halip na maipakita na patas siya, naging kaduda-duda tuloy ang hakbang ng Speaker. Sa kagustuhang bumango ang sariling pangalan, nalalagay ngayon sa alanganin ang buong institusyon ng Kamara.
Ang impeachment ay hindi isang political game. Sa mga naging kaganapan kasi sa pagsasampa ng impeachment kay VP Sara, halatang hindi naging pulido ang proseso, gaya ng tila inihabol lang ito ng Kamara sa huling araw ng sesyon ng nagdaang Kongreso.
Isang seryosong mekanismo ng pananagutan ang impeachment. Pero parang ginamit ito bilang sandata ng pang-iintriga at kapangyarihan.
Dahil dito, maaaring bumalik ito bilang sibat ng kahihiyan, hindi lang kay Romualdez kundi maging sa lahat ng mga kinatawan ng taon-bayan na naging sunud-sunuran kahit alam naman nilang mali ang kanilang binabalak at gagawin laban kay Vice President Sara Duterte.
***
Mukhang malapit nang makamit ang hustisya ng mga nawawalang sabungero, na umano’y pinatay at inilunod sa Taal lake, habang ang iba’y sinunog at ibinaon sa lupa.
Sa patuloy na search and retrieval operations, limang sako na naglalaman ng mga buto na ang nadiskubre ng mga awtoridad sa Taal Lake, ang lugar na tinukoy ng tumayong testigo na si Julie Patidongan alyas “Totoy”.
Gumamit narin ng underwater vehicle ang Philippine Coast Guard (PCG) para masuyod ang malawak at malalim na lawa ng Taal, Batangas.
Sinabi ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na may mga lead na sila para sa ikareresolba ng kaso.
Bukod kay Totoy, may iba pa anilang testigo sa pagdukot at pagpatay sa mahigit isandaang sabungero. Subaybayan!