Advertisers
NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang mga mangingisda sa Taal lake dahil kahit bagsak presyo na ang presyo ng isdang Tawilis na nakukuha sa lawa, matumal parin dahil sa takot sa mga itinapon na katawan.
Sinabi ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) matumal na ang bentahan ng isdang Tawilis kahit bagsak presyo na ito.
Ayon kay Fernando Hicap, Pamalakaya National Chairperson, bumaba sa P100 kada kilo ang retail price ng Sardinella Tawilis na mas kilala sa tawag na Tawilis mula sa karaniwang presyo nito na P250 per kilo, sa gitna ng mga ulat ng mga itinapon na katawan ng mga nawawalang sabungero sa Taal lake, ayon sa grupong PAMALAKAYA noong Linggo, Hulyo 13.
Sinabi ng PAMALAKAYA na ang “all-time low” na presyo ng tawilis ay umabot na sa ilang lugar sa Cavite.
Magugunitang umalma ang mga mangingisda mula sa mga bayan na nakapaligid sa lawa ng Taal kaugnay sa kumakalat na takot ang publiko sa mga isdang huli sa nasabing lawa dahil sa ulat sa mga itinapong katawan ng mga nawawalang sabungero sa lugar.
Kaugnay nito, bagama’t agarang naglinaw ang BFAR na ligtas ang mga isda mula sa lLawa ng Taal, partikular ang tawilis, nananatiling apektado ang presyo ng produkto ng mga taga Taal. Hindi na kakayanin ng mga mangingisda ang ganitong pagkalugi dahil ilang buwan na nilang iniinda ang epekto ng Habagat kungsaan nagiging matumal ang pagpapalaot.
Kaugnay nito, sinabi pa ng Pamalakaya na dapat gumawa ng kaukulang mga hakbang ang Department of Agriculture (DA) at BFAR, tulad ng pagpapadala ng mga produkto ng mga mangingisda ng Taal sa ibang lugar sa makatwirang halaga, at paghikayat sa publiko na tangkilikin ang mga ito, pahayag ni Hicap.(Boy Celario)