Advertisers
SA ika-36 araw ng impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte, binuksan ng House prosecution panel ang isang pampasabog na ebidensya mula mismo sa Bureau of Internal Revenue (BIR): ang Income Tax Return (ITR) ni VP Sara para sa taon 2023.
Sa nasabing opisyal na dokumento ng buwis, malinaw na nakatala na nakatanggap parin si Sara ng compensation o sweldo mula sa City Government of Davao—kahit na nakaupo na siya sa Office of the Vice President noong kalagitnaan pa ng 2022.
Ang matinding tanong ng bayan: bilang kasalukuyang Bise Presidente ng bansa, bakit kumokolekta parin si Sara ng pera mula sa lokal na pamahalaan ng Davao?
Hindi ito simpleng pagkakamali sa encoding o typographical error sa BIR form.
Sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas, napakalinaw ng pader na naghihiwalay sa posisyon ng Bise Presidente at sa iba pang pagkakakitaan. Mismo!
Ayon sa Article VII, Section 6 ng 1987 Constitution, ang Pangulo at Bise Presidente ay hindi pwedeng tumanggap ng anumang “other emolument” o karagdagang bayad mula sa gobyerno o kahit saang pribadong pinagmulan habang sila ay nasa pwesto. Maliwanag yan!
Dagdag pa rito, ang Article VII, Section 13 ay tahasang nagbabawal sa kanila na humawak ng alinmang ibang pwesto, trabaho, negosyo, o magkaroon ng interes sa anumang kontrata sa gobyerno.
Kung pumasok sa ITR mo na kumita ka parin bilang empleyado o opisyal ng Davao City Hall noong 2023, direktang sampal ito sa mismong probisyon ng ating Saligang Batas.
Ang mas nakakagimbal pa, ang panibagong pasabog na ito ay sumusunod lamang sa serye ng mga mabibigat na ibinunyag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at mga kinatawan ng bangko sa impeachment court.
Matatandaang lumabas sa pagdinig na umaabot sa P4.4 billion ang nakatalang covered at suspicious transactions sa mga bank account ni VP Sara at ng kanyang asawang si Atty. “Mans” Carpio mula 2007 hanggang 2025.
Bukod pa rito, nakita rin sa mga SALN ni VP Sara para sa mga taon 2022, 2023, at 2024 na nagdeklara siya ng “zero cash”, kahit na ibinunyag ng mga bangko na may sampu-sampung milyong piso silang aktibong deposito sa iba’t ibang bangko sa parehong mga taon.
Kapag pinagsama-sama ang lahat ng piraso ng puzzle—mula sa zero cash sa SALN habang may milyun-milyon sa bangko, hanggang sa 20% stake at chairmanship sa mga korporasyong kumukuha ng multi-million pesos na kontrata sa gobyerno, at ngayon ay compensation mula sa Davao LGU habang nakaupo sa Malacañang—lumilitaw ang isang napakalinaw na pattern ng pambubulag sa publiko.
Hindi na ito usapin ng pamamulitika lang, usapin na ito ng tapat na pagsunod sa batas.
Kung ang isang ordinaryong kawani ng gobyerno ay natatanggal sa serbisyo at nakukulong dahil sa hindi pagdedeklara ng maliit na ari-arian o pagtanggap ng double compensation, bakit tila gusto maging exempted ng Bise Presidente?
Hindi maikakaila na ang ITR ay isang pampublikong dokumento na pirmado at isinumite sa ilalim ng oath.
Kapag ang sarili mong resibo sa BIR ang nagpapatunay na may pumapasok sa iyong bulsa mula sa isang lungsod habang binabayaran ka na ng buong bansa para maging Bise Presidente, wala ka nang pwedeng ituro na ibang manunubos.
Panahon na para sagutin ni VP Sara nang deretso at walang ligoy ang mga usaping ito sa impeachment court: Para saan ang perang iyon mula sa Davao City Hall, at bakit tinanggap ito ng isang nakaupong Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas? (Mula sa La Verite’s post)