Advertisers
IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ‘opisyal’ na ang resulta ng 2024 Census of Population (POPCEN), kung saan naitala ang kabuuang populasyon ng Pilipinas sa 112,729,484 katao.
Batay sa Proclamation No. 973, inatasan ng Pangulo ang Philippine Statistics Authority (PSA), sa pakikipag-ugnayan sa Presidential Communications Office (PCO), na ipamahagi ang kopya ng census sa lahat ng kaukulang ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa ulat ang detalye ng populasyon batay sa bawat lalawigan, lungsod o bayan, at barangay.
Isinagawa ng PSA ang census mula July hanggang September 2024, gamit ang July 1 bilang reference date.
Nilagdaan naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang proklamasyon noong July 11, 2025.
Ayon sa PSA, ang 2024 na bilang ng populasyon ay sumasaklaw sa 18 administratibong rehiyon ng bansa, kasama ang mga Pilipinong nasa mga embahada, konsulado, at diplomatic mission sa labas ng bansa.
Tumaas ng 3.69 milyon ang populasyon mula 109.04 milyon noong 2020 tungo sa 112.73 milyon nitong 2024.
Gayunman, bumagal ang taunang population growth rate sa 0.80% mula 2020 hanggang 2024, kumpara sa 1.63% mula 2015 hanggang 2020.
Binanggit ng PSA na ang pagbaba sa growth rate ay maaaring dulot ng pagbaba sa fertility at birth rate, pagtaas ng mortality rate sa panahon ng pandemya, at mababang antas ng migration. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)