Advertisers
Nawawala ang 11-anyos na batang lalaki na iniulat na nalunod sa ilog sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan sa Caloocan City, Sabado ng hapon.
Sa direktiba ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, hindi naman tumitigil ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) sa paghahanap sa biktima hangga’t hindi nila natatagpuan ang katawan ng bata.
Sa nakarating na ulat sa tanggapan ng alkalde, nadulas at nahulog ang 11-anyos na bata na nakasuot ng asul na t-shirt at asul na short sa Creek Side na malapit sa NHC Elementary School sa Brgy. 186 sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.
Kaagad na pinakilos ni Mayor Along ang CDRRMD upang magsagawa ng search, rescue, at retrieval operation kasabay ng paggamit ng dalawang drone upang maging mapabilis at mapalawak ang kanilang paghahanap.
Gayunman, naging pahirapan ang paghahanap ng mga awtoridad, kasama na ang Philippine Coast Guard (PCG) at Barangay Rescue, bunga ng pabugso-bugsong pagbuhos ng malalakas na ulan na dahilan upang mag-zero visibility sa ilog.
Tiniyak naman ng CDRRMD na hindi sila titigil sa paghahanap sa katawan ng bata hangga’t hindi nila ito nakikita.
Muling nagpaalala si Mayor Malapitan na mag-ingat ang mga Batang Kangkaloo, maging handa sa lahat ng oras, at manatiling nakatutok sa lagay ng panahon lalo na sa oras ng mga mapanalantang bagyo.(BR)