Advertisers
SA mga nahuhumaling parin tumaya sa illegal online sabong, sinasabi ko sa inyo na ang mga laban ngayon ay pawang “tsope” o pandaraya. Kung manalo naman ang dehado ay maliit parin ang makukuhang panalo.
Ayon sa aking reliable source, na direktang sangkot sa pangtso-tsope sa Mindanao, ang mga inilalaban nilang manok ay may daya ang tari, purol, o kaya’y nakalihis para hindi makasugat sa kalaban.
Ito rin ang naging rason ng mga nawalang sabungero noong kasagsagan ng Pitmaster online sabong ng grupo ni Atong Ang noong 2021 hanggang 2022.
Kaya makabubuti na huwag tangkilikin ang mga online sabong ngayon. Puros kalokohan ito. Mga sarili nilang manok ang mga pinaglalaban, pinapapangit ang magaling para ang mga taya ay sa magandang kalaban (llamado) pero ang magandang ito’y tsope, walang panalo.
***
Tumaas ang trust at performance ratings ng House of Representatives, habang bumaba naman ang sa Senado, ayon sa survey ng OCTA Reseach na ginawa mula Hulyo 12 hanggang 17.
Kung totoo ang survey na ito, ang isa sa posibleng rason ng malaking pagtalon ng ratings (mula 49 to 57 percent) ng House ay ang pagsasampa nito ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
At ang pagbaba naman ng ratings (53 to 47 percent) ng Senado ay ang pag-alinlangan na ituloy ang impeachment.
Mas marami kasing kababayan natin ang gustong ituloy ang impeachment para makita kung may katotohanan o gawa-gawa lamang ang mga akusasyon laban sa Bise Presidente, na inaakusahan ng paglustay ng daan-daang milyong public funds sa mga bugos o multong benepisyaryo!
Hanggang sa ngayon ay pinagdedebatehan pa sa Senado ang impeachment case na ito, matapos ideklara ng Korte Suprema na isang ‘unconstitutional’, na hindi naman matanggap ng ilang senador at mga eksperto sa batas kabilang ng ilang dating mahistrado at mga law professor.
***
Nagsadya nitong Mierkoles sa Department of Justice ang magkapatid na Patindongan (Julie alyas Totoy at Elakim) para magsumite ng kanilang mga testimonya laban sa kanilang dating “boss” na si Atong Ang at ilan pa, na umano’y nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero noong 2021 0 2022.
Anila, ipinauubaya na nila sa DoJ ang kaso laban sa grupo ni Ang.
Subaybayan!