Advertisers
NILINAW ng Malakanyang na bukas ito sa anumang impormasyon na makatutulong sa pagsilip sa mga hinihinalang iregularidad sa mga infrastructure projects ng pamahalaan, lalo na sa flood control projects, basta’t may kalakip itong sapat na ebidensya.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, bukas ang administrasyon sa pahayag ni Senador Panfilo Lacson na may tinatayang 67 miyembro ng House of Representatives na umano’y konektado sa mga kontratang pang-imprastraktura ng gobyerno.
Aniya ito, ito ay alinsunod sa adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang malinis at tapat na pamahalaan.
Dagdag pa ni Castro, walang pinipiling source ng impormasyon ang pamahalaan at handa itong makipag-ugnayan sa sinumang may sapat na detalye, kabilang na si Lacson.
Una rito, ibinunyag ni Lacson na may hindi bababa sa 67 mambabatas noong 2022 na umano’y contractors ng kanilang sariling mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Sinabi naman ni Castro na maaaring ang listahan ni Lacson ay tumutugma din sa mga hawak na impormasyon ni Pangulong Marcos. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)