Advertisers
HINDI kailangan ng pangunahing mangangalakal ng bansa na si Ramon S. Ang, o RSA, ng dagdag na sakit ng ulo. Marami siyang sakit ng ulo sa pagpapatakbo ng kanyang mga negosyo. Mukhang kumuha ng bato at ipinukpok sa sariling ulo si RSA nang imungkahi niya na lulutasin niya ang suliranin sa baha sa Metro Manila ng walang gastos sa gobyerno.
Ano siya hilo?
Totoo iyan at kahit si BBM ay nagulat sa kanyang mungkahi. Kung totoo ang mungkahi, aba, magaling at tumutulong ang pribadong sektor sa pamahalaan, ani BBM nang tanungin kung ano ang masasabi sa mungkahi. Dumating ang tanong nang nagdaos ng isang pulong balitaan sa Malakanyang kung saan binatikos ni BBM ang mga pulitiko na kumorner sa budget ng mga flood control project sa bansa.
Binanggit rin ni BBM ang pagkadismaya na bagaman gumugol ang gobyerno ng bilyon-bilyong piso sa mga flood control project, hindi nagtagumpay ang pamahalaan na supilin ang baha sa maraming panig ng bansa. Kumitil ng maraming buhay, nagdala ng maraming sakit, at sumira sa maraming pananim at imprastruktura ang laganap na baha sa bansa. Hindi biro ang sakit ng ulo na dulot ng baha. Hndi biro ang laki ng gastos upang makabawi sa pinsala ng baha.
Kaya malaking katanungan kung may agenda na iba si RSA sa kanyang plano na lutasin ang baha sa Metro Manila ng walang gastos sa gobyerno. Hindi nakakagulat na ang mga pulitiko ang nagtanong dahil sa tindi ng problema sa baha.
Sa kanya, simple ang paraan kung paano lulutasin ang problema sa baha: alisin ang lahat ng bara sa mga ilog, estero, at daluyan ng tubig sa iba’t ibang panig ng Metro Manila. At palalimin ang mga ito sa pagbungkal sa mga burak at iba pang basura na humarang sa mga daluyan ng tubig. Sinabi ni RSA na kaya niyang gawin ito at walang gastos sa gobyerno.
Ginagawa ni RSA ito sa pagbungkal sa mga daluyan ng tubig sa lalawigan ng Bulacan. Malaki ang ibinawas ng pagbaha sa lalawigan dahil maagang ginawa ang solusyon. Tuloy tuloy ang pagbungkal ng walang gastos sa gobyerno.
Sa pakiwari namin, tama si RSA sa kanyang mungkahi. Ang ikinababahala namin ay hindi papayag ang mga pulitiko – senador, kongresista, mga local official, at kahit ang MMDA dahil sa alam na ninyo. Mawawalan sila ng kita, o kickback, mula sa budget ng mga proyekto kontra baha. Ito ang pinagkukunan nila ng salaping dinadambong nila mula sa kaban ng bayan.
Kung kumuha ng bato at ipinukpok sa ulo ang mungkahi niya, kumuha rin ng bato na ipinukpok sa sariling ulo ang mga pulitiko kung papayag sila sa nakakabahalang mungkahi ni RSA. Hindi sila nagpapakamatay, sa maikling usapan.
\
Malaki ang pananagutan ng mga pribadong kumpanya upang tumulong sa komunidad kung saan sila kumikita ng limpak limpak na salapi. Tinawag na “corporate social responsibility” ang konsepto ng pagtulong sa komunidad. Tinawag na “conscience” projects ang kanilang mga proyekto na ang layunin ay tumulong sa komunidad. Mga proyekto ng budhi.
Malaki na ang ipinagbago ng mga negosyo at alam ito ni RSA. Hindi nakakapagtaka na sumabak siya sa ganitong inisyatiba. Walang bago dito.
***
HINDI pa rin nakakahalata si Tricky Tsis. Sa kanya ang banat at bintang kaugnay na pumalpak na impeachment trial ni Misfit Sara. Hindi pa rin nakakahalata ang hunghang na siya ang tampulan ng lahat ng haka-haka kung paano niya binigyan ng proteksyon ang mandarambong mula Davao City.
Hindi pa siya nakakahalata na siya ang mauunang madisgrasya at babagsak kapag itinuloy niya na bigyan ng proteksyon si Misfit Sara. Hanggang ngayon nagmaang-maangan pa rin siya at hindi inaamin ang kasalanan niya sa bayan.
Ngayon, inilabas ni BBM ang mga hawak niyang katibayan tungkol sa pagdarambong sa kaban ng bayan sa mga flood control project. Hindi pa nakakahalata si Tricky Tsis na papunta sa kanya ang pagsisiwalat. Hindi pa rin nakakahalata si Tricky Tsis na mas uunahin iligtas ni BBM ang sarili imbes na siya at iba pang tiwaling senador na may kaugnayan sa pandarambong ng kaban ng bayan kaugnay sa mga flood control project. Maghunos-dili ka Tricky Tsis. Hindi makukuha sa panlalanssi ang isyu na iyan.
***
BALIK tayo kay RSA. Ganito ang takbo ng usapan ng nakipagpulong siya sa isang alkalde at hepe ng MMDA. “Ako na ang tutulong… at no cost to the people, at no cost to the government,” aniya. Sinabi ni Ang na handang gamitin ng San Miguel Corporation ang sariling resources para i-clear ang major waterways at magtayo ng waste-to-energy facility — non-profit at walang kapalit.
“San Miguel na ang magki-clearing. Pero kailangan namin ng go signal mula sa inyo,” ani RSA bilang panawagan sa mga alkalde at MMDA. Kasabay ng isyung lumulutang tungkol sa umano’y misuse ng flood control funds, binigyang-diin ni Ang ang urgency ng konkretong aksyon — hindi puro plano. “Magtatayo ako ng waste-to-energy para sa inyo. Non-profit. Pero kailangan pumayag kayo.”
Ayon kay Ang, may bahagi ng Tullahan River, kritikal sa drainage ng La Mesa Dam, ang tinambakan para sa housing at paaralan. Kung hindi ito aalisin, tuloy-tuloy ang pagbaha. “Bunutin natin lahat ng obstruction — bahay, school, kahit ano pa — para mawala na ang baha,” aniya. Ang panawagan niya: suportahan siya ng LGUs at MMDA para maisakatuparan ang proyekto.