Advertisers
KINUMPIRMA ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nag-leave ng isang buwan si General Manager Nicolas Torre III simula Martes, Setyembre 8.
Ang leave ni Torre ay kasunod ng kontrobersiya sa paggamit ng kanyang personal sports utility vehicle (SUV) na nahuling dumaan sa EDSA Busway.
Dahil sa insidente, binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng driver.
Samantala, wala pang ibinigay na karagdagang detalye ang MMDA kaugnay sa desisyon ni Torre na mag-leave.
Una naring sinabi ng source ng Politiko na seryoso rin nitong kinokonsidera ang pagbibitiw dahil sa kontrobersiya.
Lumaki ang isyu nang matuklasang may MMDA logo, sirena at blinker ang personal SUV ni Torre, habang sinabi ng LTO na ang plakang nakakabit dito ay nakatalaga sa isang Isuzu truck ng MMDA.
Humingi na ng paumanhin si Torre at nagbayad ng kabuuang P14,000 multa para sa ilang paglabag, kabilang ang unauthorized use ng EDSA Busway, reckless driving, improper use ng blinkers at maling paggamit ng license plate.