Advertisers
Bakit maging ang United of States (US) na may pinakamalakas na puwersang militar at sandatang nuclear ay atubili at andap na makipagkomprontasyon sa komunistang China, anyare?
Well, tanggapin na natin ang katotohanan, wala tayong kakayahang banggain ang lakas militar ng China at ang totoo ay di talaga natin kayang sagupain ang mga barko de giyera nila laban sa ating bangkang papel kaya marahil atubili ang US hanggang ngayon na makipagkomprontasyon sa mga Intsik.
Iyan ang masaklap na katotohanan.
Kaya kailangan na maging “maingat at mahinahon na muna tayo” sa pakikitungo sa China, ito ay sa kabila ng lantarang “panlalamang” nito sa ating kabutihang loob, napakasakit Bayan ko!
***
Marami tayong batas para labanan ang korapsyon, tulad ng pagtatatag ng Office of the Ombudsman (Republic Act No. 6770); RA No. 7055; mabibigat na batas sa Revised Penal Code; RA No. 7080 o batas laban sa pandarambong (plunder) na magpaparusa sa gawaing kriminal laban sa mga taong gobyerno sa pagnanakaw ng halagang 50 milyong piso o higit pa.
Nariyan ang RA No. 8249 na magpapalakas ng kapangyarihan sa Sandiganbayan; nariyan pa ang Civil Service Commission (CSC) na inatasang magtatag ng mahusay na sistema upang mapabuti ang serbisyo at katapatan ng mga taong gobyerno at binigyan ng kapangyarihan magtanggal, magsuspindi at magsampa ng mga kaso upang mapanagot at maparusahan ang mga tiwali sa serbisyo publiko.
Nariyan pa ang Commission on Audit (COA) na watchdog o tagabantay at tagasuri sa kung paano ginagastos ang salapi ng pamahalaan; at bukod pa nga sa Sandiganbayan na umuusig at nagpaparusa sa mga korap, naririyan pa ang mga korte, Court of Appeals at ang Supreme Court.
Bukod pa rito, may mga ahensiya at yunit ang PNP, DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) at maraming anti-graft and corrupt office na nililikha ang administrasyon para mag-imbestiga at magrekomenda ng mga kasong isasampa laban sa mga mandurugas sa pera at tiwala ng bayan.
Nandiyan pa ang Kongreso at Senado na magsagawa ng mga imbestigasyon ukol sa katiwalian at kriminalidad na kailangan sa paggawa ng mga batas.
Masasabing hindi kulang kungdi, sobra pa nga ang mga batas laban sa korapsiyon at kabulukan sa serbisyong bayan.
Labis na ang mga batas natin laban sa mga tiwali at kriminal pero bakit sa halip na masugpo at mabawasan ang korapsiyon, lalo pang tumitindi at nagiging mas matapang ang mga korap sa Pilipinas.
***
Bakit nga ba di mabawasan ang korapsiyon sa gobyerno na talamak na talamak hanggang sa ngayon?
Grabe, walang katapusan at sobra ang korapsiyon sa lahat ng sektor ng ating lipunan.
Bakit di utusan at obligahin ni Presidente Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Justice na kasuhan ang mga korap sa gobyerno at unahin ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Immigration (BI), isunod ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Land Registration Authority (LRA), Department of Agriculture (DA) at iba pa.
Sa mga ahensiyang ito, sagad sa buto, sabi nga, ang suhulan, extortion, pandarambong sa salapi ng bayan, mga pailalim na kontrata na talo ang bayan, nepotismo, padrino, pamemeke, at iba pang kabulukan.
Maging sa pulisya at militar, maging ang mga korte at ang Kongreso at Senado ay sangkot din sa korapsiyon.
Marami nang kaso ang naisampa sa mga inaakusahang korap, pero nangyayari na marami ang naaabsuwelto dahil sa kulang sa ebidensiya, kapos o mangmang ang mga tagausig o kaya naman, sinadyang mahihina ang mga kasong isinampa na tiyak na ang bagsak ay dismissal, wtf!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.