Advertisers
Isiniwalat ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos na labing-anim sa animnapu’t isang (61) proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Las Piñas City ngayong taon ang natuklasang pinaghihinalang “ghost” o hindi natapos.
Ayon kay Santos, kinumpirma ni DPWH Undersecretary for Technical Services Ador Canlas na kabilang sa 61 proyekto ang walong flood control initiatives sa Las Piñas na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ?416 milyon para sa taong 2025 lamang.
“Ang mga ghost at piecemeal na proyekto ay malinaw na pag-aaksaya ng pondo ng bayan at isang pagtataksil sa tiwala ng mamamayan,” ani Santos. “Nanawagan ako sa Commission on Audit na magsagawa ng kumpletong audit at panagutin ang mga responsable sa kapabayaan at posibleng korapsyon.”
Natuklasan din ng mambabatas na ang mga multi-million-peso na proyekto ay karamihang “nakorner” lamang ng apat hanggang limang kontratista, na iniulat na kaalyado at kamag-anak ng makapangyarihang lokal na politiko sa loob ng dekada.
Isa sa mga natukoy na “ghost” na proyekto ay ang P65.4-milyong rehabilitasyon ng kontrobersyal na C-5 Road Extension sa Barangay Manuyo Dos, na iginawad sa Zero One Construction and Trading Inc./Omnicon Builders.
Ayon sa kontrata ng DPWH Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office, ang proyekto ay nakatakdang magsimula noong Pebrero 12, 2025 at matapos sa Abril 12, 2025. Gayunpaman, ipinapakita ng talaan na zero percent pa lamang ang natapos.
Nagtanong si Santos kung bakit patuloy na binibigyan ng pinakamalaking alokasyon ng DPWH ang C-5 Road Extension kahit walang malinaw na plano o aktwal na proyekto sa lugar.
Isa pang “ghost project” na iginawad sa Zero One Construction ay ang P28.9-milyong konstruksyon ng multi-purpose building sa Barangay Talon 1. Ang kontrata ay nagsimula noong Enero 31, 2025 at nakatakdang matapos sa Agosto 28, 2025, subalit hanggang ngayon ay zero pa rin ang natapos.
Ang Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office, na noo’y pinamumunuan ng tinanggal na District Engineer Isabelo Baleros, ay nag-aksaya rin ng P7.8 milyon para sa rehabilitasyon ng multi-purpose building sa Barangay Pamplona 3 matapos iwan ng Zero One Construction ang proyekto, na zero accomplishment mula Enero 31 hanggang Mayo 30, 2025.
Inilarawan din ng Deputy Majority Floor Leader ang ?114.9-milyong by-pass at diversion road project sa Alabang-Zapote Diversion Road (mula Alabang-Zapote Flyover hanggang C-5) bilang isang “ghost project.” (Cesar Barquilla)