Advertisers

Advertisers

BATAS SA HALALAN NILABAG NI TRICKY TSIS, LUBIANO

0 35

Advertisers

NILABAG ni Tricky Tsis at ang kanyang kasapakat na mangangalakal na si Lawrence Lubiano, pangulo ng Centerways Construction and Development Corporation, ang batas sa halalan na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang ambag na isang mangangalakal na may proyekto sa gobyerno. Kaugnay ang paglabag sa ibinigay ng P30 milyon ni Lubiano kay Tricky Tsis.

Inamin ni Tricky Tsis na binigyan siya ni Lubiano ng P30-M. Hindi niya naikaila dahil nakalagay ang ambag ni Lubiano sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) na isinumite sa Commission on Elections (Comelec). Dating gobernador ng Sorsogon si Tricky Tsis bago siya nahalal muli bilang senador noong 2022.

Inamin ni Lubiano na nagbigay siya ng P30-M kay Tricky Tsis, ngunit tinawag niyang “personal contribution” ito sa kanyang pagharap noong nakaraang linggo sa makapangyarihang komite ng InfraComm ng Camara de Representantes. Magpapatuloy bukas ang InfraComm sa pagsisiyasat sa ikalawang public hearing.

Ayon kay Romulo Macalintal, batikang manananggol sa usapin ng halalan, nilabag ni Tricky Tsis at Lubiano ang batas laban sa ilegal ng kontribusyon. Binanggit ni Macalintal ang Comelec Resolution 10772 para sa halalan ng 2022 at Resolution 11109 para sa halalan ng 2025 bilang batayan. Ipinagbabawal ng dalawang resolusyon ang kontribusyon ng isang korporasyon sa isang kandidato na lampas 5% ng taxable income sa taxable year bago ang halalan.

Binanggit rin ni Macalintal ang Article 95 (paragraph c) ng Omnibus Election bilang mas malawak na batayan dahil mahigpit na ipinagbabawal sa isang kandidato na manghingi at tumanggap ng anumang kontribusyon, direkta o hindi, mula sa ibang tao o korporasyon o grupo na may kontrata na magbigay ng kalakal o serbisyo sa gobyerno. Kasama na diyan ang kontrata sa construction, aniya.

Isa sa 15 kumpanya ang Centerways na sangkot sa kontrobersya ng flood control. Ibinulgar ni BBM ang kalokohan sa programang flood control ng gobyerno. Kinakatawan ng kontribusyon ni Lubiano ang 20% ng P146.5 milyon na tinanggap ni Tricky Tsis noong 2022. Nakatala ang mga detalye sa kanyang SOCE.

Umabot ang flood control projects ng Centerways sa kabuuang P5.15 bilyon sa panahon 2021-2024. Noong 2021, mayroon limang flood control projects. Ngunit lumago ito ng siyam na ibayo noong 2022 sa 44 flood control project contracts, ayon sa mga ulat.

Umayon si Comelec chair George Garcia sa obserbasyon na nilabag ni Tricky Tsis at Lubiano ang batas sa halalan, ngunit sinabi niya na isang bagay ito na maaaring pangasiwaan ng Senate Election Tribunal (SET). Ipinaliwanag niya na walang poder ang Comelec na hawakan ito dahil nagtatapos ang anuman pag-uusig ng naiproklamang halal na senador noong 2022.

Hindi pa tapos o patay ang isyu laban kay Tricky Tsis, ani Garcia. Maaari siyang ihabla dahil may prescription period na limang taon ang isyu ng ilegal na kontribusyon, aniya. Maaaring ihabla silang dalawa hanggang 2027. Hindi sinagot ni Garcia ang tanong kung sino ang dapat magdala ng isyu sa SET.

Ang SET ang hukuman na nagdedesisyon sa mga protesta hinggil sa halalan ng mga senador. Binubuo ito ng anim na senador na nominado ng Senado at tatlong mahistrado na nominado ng Punong Mahistrado. Pinamumunuan ngayon ito ni Mario Victor Leonen, isang mahistrado ng Korte Suprema.

Mga kasapi sina Ramon Paul Hernando, at Henri Jean Paul Inting ng Korte Suprema at Robin Padilla, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, and Pia Cayetano mula Senado. Bakante ang isang upuan dahil natalo noong nakaraang halalan si Bong Revilla.

Nadiskubre ng kampo ni BBM ang mga maanomalyang flood control projects at ibinulgar ito ni BBM mismo. Kilalang magkaibigan sina BBM at Tricky Tsis, ngunit mukhang itinulak ni BBM si tricky Tsis sa mga isiniwalat na anomalya. Mukhang hindi natutuwa si BBM kay Tricky Tsis na kilala bilang oportunista at mapagsamantala sa kapwa pulitiko.

Ayon kay BBM, abot sa kabuuang halaga ng P545 bilyon ang mga maanomalyang flood control projects sa nakalipas na tatlong taon. Abot sa 20% ng halaga ang napunta sa 15 construction firms na ayon sa kanila ay sangkot sa maanomalyang transaksyon. Pinalitan nila ang mga specification ng mga materyales na mas mababang uri. May mga pagkakataon na hindi ginawa ang ibang proyekto at matatawag ang ga ito ng “ghost projects.”

Maanomalya ang mga ilang proyekto sa flood control dahil nagsabwatan ang mga korap na kontratista sa mga korap na opisyales ng DPWH officials. Kasama rin sa sabwatan ang mga korap na pulitiko (senador at kongresista), CoA at DBM officials. Isang napakalaking sabwatan ang kanilang ginawa laban sa sambayanang Filipino.

Tulad ng inaasahan, naghugas ng kamay si Tricky Tsis at ipinagdiinan na hindi siya sangkot sa mga katiwalian. Maliit lang umano ang halaga at hindi apektado ang serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan sa larangan ng edukasyon, kalusugan, at depensa ng bansa. Hindi abot sa 1% ng pambansang budget ang halaga. Hindi niya ginamit ang kanyang poder upang bigyan ng kontrata si Lubiano.