Advertisers

Advertisers

RIGODON SA SENADO

0 80

Advertisers

KUNG matutuloy ang planong rigodon sa Senado ngayon, magkakaroon ng bagong Senate President. Papalitan ni Alan Peter Cayetano si Tito Sotto sa panibagong political dynamics sa loob ng wala pang dalawang buwan. Unang pinalitan ni Sotto si Tricky Tsis nang nagtagumpay ang una ng bumuo ng bagong mayorya. Ngayon, si Cayetano ang may bagong mayorya.

Hindi prinsipyo ang usapan dito. Walang prinsipyo ang maraming senador. Pansarili ang labanan dito. Wala silang pakialam sa bayan kahit nagdurusa ang maraming mamamayan sa bunga ng baha, lindol, landslide, pagputok ng bulkan at iba pang sakuna at kamalasan.

Pansariling kapakanan ang nakataya dito. Kung hindi sila kikilos laban kay Sotto, sasabit ang marami sa kanila dahil sangkot sila sa flood control scam. Hindi sila kampante sa salita ni Ping Lacson na pumalit kay Rodente Marcoleta bilang Senate Blue Ribbon Committee. Sinabi ni Ping na sangkot “ang lahat ng senador” sa fund insertion. Sa maikli, may pahiwatig na makukulong ang marami sa kanila.

Sa kasalukuyan, apat na pangalan ang lumutang na sangkot sa flood control scam: Tricky Tsis, Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla. Hindi nais ng ibang senador na madagdagan ang listahan, ngunit walang pakialam si Sotto at Lacson na madagdagan ito. Masagasaan na ang masasagasaan. Masaktan na ang masasaktan.

Wala kaming sampalataya kay Cayetano bilang bagong pinuno. Isa siyang mapagpanggap at mapagkunwaring mambabatas. Tahasang sinasabi namin na hindi namin hahangarin na babasahan niya kami ng Bibliya habang ninanakawan.

Umugong ang balita ng panibagong rigodon sa Senado ng nag-alburuto si JV “The Dumb One” Ejercito (nangingilabot kami tawagin siyang ‘the good one’ dahil wala itong batayan, sa aming tingin; tingin lang niya sa sarili at hindi kami naniniwala).

Maraming angas si JV. Maraming reklamo na sa buong akala niya tanging sa kanya umiinog ang buong kalawakan. Sa huling kalatas ni JV, sinabi niya na apat sila na kakalas sa mayorya upang sumama sa isinusukang minorya at bumuo ng bagong isusukang mayorya at iluluklok si Cayetano bilang bagong Senate President. Ikinalat rin na umabot sa limang senador ang kakalas sa mayorya at sasama sa minorya na mayroon siyam na senador.

Paraan ng mas maraming tiwaling senador ang planong rigodon upang iligtas ang sariling balat sa napipintong disgrasya. Kakalat ang apoy dahil madadamay ang mas maraming senador sa flood control scam. May mga sariling fund insertion sila sa pambansang budget. Diskarte nila ito upang magkamal ng bilyon mula sa mga infrastructure project.

Sacrifice the knights and bishops but not the rooks and pawns. Huwag palakihin ang sunog dahil malaking problema ito sa Senado bilang institusyon. Kailangan namin ng bagong liderato upang iligtas ang aming mga sarili, ito ang mensahe ng umaanyong bagong mayorya.

Ito ang buod ng bagong laro sa liderato ng Senado. Hindi nila gustong makulong dahil ito ang napipintong endgame ng labanan sa flood control scam. Hindi namin alam kung ano ang damdamin ni BBM. Pilit niyang inilalayo ang sarili sa kontrobersya kahit siya ang nagpaputok ng kontrobersya.

Hindi masyadong nababahala ang Camara de Representante sapagkat handa silang isakripisyo si Zaldy Co sa dambana. Ang Senado ang may malaking problema dahil maraming senador ang lubhang matakaw sa pondo ng bayan. Abangan ang susunod na kabanata.

***

ISANG malaking palabas ang sesyon kung saan inaprubahan ng 15 senador ang resolusyon na humihiling sa International Criminal Court (ICC) na ibalik sa Filipinas si Gongdi kahit isailalim siya sa house arrest. Alam ni Misfit Sara na walang mangyayari sa Senate Resolution 144 dahil hindi na kasapi ang Filipinas sa ICC.

Nagpilit ang tila may sayad sa pag-iisip na anak ni Gongdi dahil nais niyang ipakita sa mundo na kontrolado ang Senado at magagawa ang anumang gusto niya. Maliban diyan, may obserbasyon si Barry Gutierrez tungkol sa mga senador na kumatig sa resoluyon. Sila ang mga senador na sabit at may kaugnayan sa flood control scam, aniya.

***

SA huling dalawang public hearing ng Senate Blue Ribbon Committee na nagsiyasat sa flood control scam, hindi si Ping Lacson ang nagsara ng pagdinig. Iniwan kay Erwin Tulfo, ang vice chair ng komite. Tila nang-uuyam na umalis ng walang paalam si Ping habang nagsasalita si Rodente sa iba’t ibang punto ng batas sa komite.

Walang respeto si Ping kay Rodente. Hindi natiis ni Ping na maging tapunan ng basurang kaisipan ni Rodente ang kanyang komite. Ipinasa niya ang pagsasara ng pagdinig kay Erwin. Dahil baguhan, matiyagang binaybay ni Erwin ang munting gusot. Hindi mahirap na ideklara na suspendido ang pandinig at ipukpok ang gavel sa mesa. Tapos ang kuwento.

***

PINAG-UUSAPAN lang si Erwin Tulfo, hayaan ninyo na ibahagi ang isang kuwento tungkol sa kanyang pagtulong sa mga biktima ng mapaminsalang lindol sa lalawigan ng Cebu kamakailan. Hindi namin alam kung paghuhugas ng kasalanan ng sumama siya sa mga nagpasa ng SB 144 na humihingi sa ICC na ibalik si Gongdi.

Hindi inihahayag ni Erwin ang pagtulong sa mga pamilyang nasalanta sa Cebu. Ayaw niyang matatakan na “epal politician.” Namudmod siya ng maraming munting envelope na may laman na P20,000 para sa bawat pamilya na biktima. Hindi sinabi kung ilan sobre.

Hindi mahirap ipaliwanag ang kusang palo ni Erwin. Basta ibinigay ng walang ingay. Basta ipamudmod ng walang pag-iimbot. Gusto niyang tumulong at ito lang ang dahilan. Hindi tulad ng pagbisita ni Misfit Sara sa mga biktima. Maraming kasamang photographer at bodyguard. Inilabas ng mass media ang mga video clip at larawan ni Misfit Sara sa harap ng mga kabaong ng mga biktima ng lindol. Hindi maganda sa panlasa.

Madrama ang mga Duterte. Hindi namin nalilimutan ang pagkukuwari ni Gongdi s maraming pagkakataon na may sakuna at maraming nasalanta. Hindi namin nalilimutan ang tagpo noong pangulo si Gongdi. May larawan na umiyak siya sa harap ng kabaong ng isang nasawing sundalo. Hindi totoo ito.