Advertisers
HINAMON ng kinatawan ng Zambales na si Jay Khonghun si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na ipa-drug test ang mga empleyado ng kanilang local government unit (LGU) sa gitna ng pambabatikos na ginagawa ng alkalde sa kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Khonghun, dapat ayusin muna ni Baste ang sarili nitong bakuran bago tumingin sa iba. Mismo!
“Kung talagang seryoso si Mayor Baste sa laban kontra droga, unahin niya ang Davao. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, 37 na ang nahuling gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Imbes na maghamon sa iba, ayusin mo muna ang sarili mong bakuran,” diin ni Khonghun.
“Ang laban kontra droga ay hindi palabas sa podcast. Hindi ito usapin ng yabangan o suntukan. Buhay ng tao ang nakataya rito,” giit ng mambabatas.
Sinabi rin ng mambabatas na hindi maituturing na modelo ang Davao City kung ang mga empleyado nito ay gumagamit rin. Mismo!
Oo nga pala… si Khonghun ang isa sa mga nagsampa ng kaso laban kay Atty. Levi Baligod at sa 18 “maleta boys” kungsaan pinaaresto ang mga ito ng korte sa Zambales.
Ginawan kasi ng kuwento nina Baligod si Khonghun na tumanggap daw ng maletang pera mula sa kickback mula kay dating Ako Bicol Partylist Zaldy Co.
***
Isa sa pinakamalalaking kontrobersiya ng Duterte administration noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, muling nabukasan!
Oo! Naghain ang Office of the Ombudsman ng P11-billion PLUNDER complaint laban sa 46 katao kaugnay ng maanomalyang pagbili ng medical supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corp. gamit ang pera ng taumbayan!
Kabilang sa mga respondent ang mga dating opisyal at negosyanteng naiuugnay sa dating administrasyong Duterte, ang Chinese national na si Michael Yang na economic adviser ni Digong, na tinukoy bilang financier ng Pharmally.
Sinasabing isa ring drug lord si Yang.
Kasama rin sa mga respondent si Lloyd Christopher Lao, dating hepe ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM), na siyang nangasiwa sa procurement deals noong pandemya.
Kabilang dito sina Pharmally chairman Huang Tzu Yen, president Twinkie Dargani, corporate secretary at treasurer Mohit Dargani, Linconn Uy Ong, at iba pang opisyal at personnel na iniuugnay sa kumpanya.
Nasa listahan rin sina Tony Yang, kapatid ni Michael Yang, at iba pang Chinese nationals na konektado sa mga kumpanyang nabanggit sa imbestigasyon, kabilang ang Pai Li Holdings.
Pero heto ang isa sa pinakamabigat na rebelasyon ni Ombudsman “Boying” Remulla: 23 sa mga respondent ang hindi matagpuan sa kanilang mga kilalang address! Araguy!!!
“All attempts to find them have failed,” ani Remulla, na nagsabing tila iniiwasan ng ilan sa mga respondent ang hurisdiksiyon ng Ombudsman.
Tandaan, ang Pharmally scandal ay sumabog matapos kuwestiyunin ang bilyon-bilyong pisong kontrata para sa COVID-19 supplies, kabilang ang mga transaksiyong isinagawa habang emergency ang bansa at desperado ang publiko sa proteksiyon laban sa pandemya.