Advertisers
Pinasinayaan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Lunes ang kauna-unahang public electric vehicle (EV) charging station sa Manila City Hall, bilang bahagi ng pagsusulong ng lungsod sa sustainable at accessible na transportasyon.
Isinagawa ang ribbon-cutting ceremony sa Kartilya ng Katipunan bilang pormal na paglulunsad ng partnership ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ACMobility, ang EV infrastructure arm ng AC Enterprises group.
Ang charging station sa City Hall ay may isang 30-kilowatt DC charger at isang 22-kilowatt AC charger, na nagbibigay ng mabilis at standard charging options para sa sinumang EV owner na walang pribadong charging facility.
Ayon kay Domagoso, patunay ito na nakatingin sa hinaharap ang pamahalaan at nakikipagtulungan sa pribadong sektor kahit limitado ang resources.
“Here is the proof where the government is looking at the future, looking at future problems, and there will be. But in the absence of resources, or with limited resources, we work with the private sector,” aniya.
Aniya, tutugon ang pasilidad sa pangamba ng mga EV owner na maubusan ng karga sa gitna ng biyahe. “Hindi ka na kakabahan na, baka mamaya, ma-traffic ako, wala akong charging station,” dagdag niya, sabay bigyang-diin na bukas ito sa publiko hindi tulad ng charging points sa pribadong establisyimento.
Ang ACMobility, na may mahigit 200 EV charging hub locations at mahigit 600 charge points sa buong bansa, ay magtatayo pa ng karagdagang charging stations sa Bagong Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital bago matapos ang 2026.
Pinangunahan nina Domagoso at Vice Mayor Angela Lei “Chi” Atienza kasama ang mga kinatawan ng ACMobility ang ribbon-cutting ceremony. (Jocelyn Domenden)