Advertisers

Advertisers

“Fact-Twisting Mission” ng CPP-NPA-NDF sa Tanay, Rizal, Kinondena

0 57

Advertisers

Tanay, Rizal – Mariing kinondena ng mga lokal na opisyal at lider-katutubo sa Tanay, Rizal ang ginawang paninira ng tinaguriang International Solidarity Mission (ISM) na inorganisa ng mga grupong kaalyado ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon kay Barangay Captain Adrenico N. Zubiaga, walang naganap na pangha-harass, taliwas sa ipinakalat ng naturang grupo sa social media. Aniya, malinaw na panlilinlang ang ginawa ng mga organizer upang palabasing biktima sila ng lokal na pamahalaan. “Hindi kami nangha-harass. Ang totoo, wala silang tamang papeles. Ang hawak nilang permit ay walang pirma ng Mayor. Tungkulin ko bilang kapitan na tiyakin ang kaligtasan ng barangay, pero pinalalabas nila na kami pa ang masama. Masakit na wala ka namang ginagawang mali, pero ikaw ang bibirahin nila. Hinihiling ko na burahin nila ang kasinungalingang ikinalat nila dahil malaking kabastusan iyon,” diin ni Kap. Zubiaga.

Dagdag pa ng kapitan, malinaw na may masamang motibo ang grupo sa pagpapakalat ng maling impormasyon. “Kung talagang malinis ang layunin nila, bakit hindi sila sumunod sa tamang proseso? Ang ginagawa nila ay panlilinlang. Hindi namin matatanggap na sa mismong barangay namin gagawin ang ganitong klaseng propaganda,” aniya.

Samantala, ipinahayag ng isang Indigenous Peoples (IP) leader ng Sta. Ines na nilabag ng ISM organizers ang lahat ng itinakdang proseso, kabilang ang Free, Prior and Informed Consent (FPIC) at ang pagkuha ng sertipikasyon mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). “Hindi namin tatanggapin ang kahit sinong papasok sa komunidad na walang sapat na dokumento. Kahit pa maganda ang sinasabi nilang layunin, kung mali ang proseso, malinaw na hindi sila tapat. Ang totoo, sila ang lumalabag at nagtatangkang linlangin ang publiko,” aniya.

Mariin niyang idiniin na walang harassment na naganap. “Ako mismo ang nakaharap sa kanila at wala akong nakitang masamang ginawa ang mga sundalo o barangay officials. Ang totoo, sila ang hindi marunong sumunod sa batas at regulasyon. Ang ganitong estilo ay hindi katanggap-tanggap, lalo na sa tribo namin na palaging direktang naaapektuhan sa mga ganitong kalokohan,” dagdag ng IP leader.

Binibigyang-diin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ang mga ganitong “solidarity missions” ay bahagi ng estratehiya ng CPP-NPA-NDF upang magpalaganap ng propaganda, manghikayat ng simpatya at pondo, at palabasing biktima ang kanilang hanay. Ipinaalala ng NTF-ELCAC na ang konsepto ng ISM ay nakaugat sa International League of Peoples’ Struggle (ILPS) na itinatag ng yumaong CPP founder na si Jose Maria Sison bilang instrumento ng panlilinlang at pangangalap ng pondo laban sa gobyerno.

Mariin ding nanawagan ang NTF-ELCAC sa publiko at maging sa mga dayuhan na huwag basta-basta maniwala sa mga “fact-twisting missions” na ito. Ipinaalala rin nito ang umiiral na Bureau of Immigration Operations Order SBM-2015-025 na nagbabawal sa mga dayuhang turista na makilahok sa anumang uri ng political activity habang nasa bansa.

“Ang panlolokong ito ng CPP-NPA-NDF at ng kanilang mga kasabwat ay hindi na dapat palampasin. Ang tunay na biktima ay ang mga komunidad na ginagawang larangan ng kanilang kasinungalingan. Panawagan namin sa lahat—maging mapanuri, huwag magpagamit, at huwag magpalinlang,” pagtatapos ng NTF-ELCAC.