Advertisers
Kaya pala gumaling sa pag-shoot ng basketball si Pido Jarencio ay ganire ang kwento.
Iisa sa sikreto ni Pido sa pagiging mahusay na shooter ay ang over-sized ball na ginagamit niya sa personal na ensayo.
Nakabili sa Estados Unidos ang dating Most Improved Player awardee ng PBA ng mas malaki sa official ball.
Hayun ang bola niya sa praktis sa pagbuslo.
Siyempre nasanay ang ngayo’y coach ng UST Growling Tigers na tumira sa malaki kaya madali na sa kanya papasukin sa ring ang saktong sukat.
Yan napag-alaman natin sa asawang doktora ni Jarencio
Mas mainam din ang over-sized ball kay sa sobrang laking ego ng isang atleta.
Tama ba Pepeng Kirat?
***
Sino ba si Monico Puentevella na naghayag na makikisap siya kay Leni Robredo na tumakbo muli sa pagkapangulo sa 2028
Luluhod pa nga raw siya sa harap ng alkalde ng Naga kung kinakailangan.
Bukod sa pagiging pulitiko ay sportsman din si Puentevella.
Naglingkod bilang kongresista at mayor sa Bacolod si Monico. Kasalukuyang pinuno ng NSA sa wrestling at naging bahagi ng namahala sa 2005 SEA Games.
Nagdribol din siya para sa kanyang eskwelahang La Salle.
Isang trapo at miyembro una ng Lakas’NUCD at lumipat sa NUP.
Kilala ang lungsod niya bilang kakampink country nguni’t hindi natin siya naririnig na pro-Leni dati.
Tapat sana siya sa kanyang hangarin ngayon para sa bayan.
***
Nagkaroon ng mini reunion ang Tanduay Rhum sa PBA kamakailan.
Padim Israel, JB Yango, Vic Sanchez, Willie Generalao at Onchie de la Cruz nagsamasama noong isang araw. Pati ang sportscribe na si Tessa Jazmines nakadalo.
Ang koponan noon ng mga Elizalde ay nagwagi ng tatlong kampeonato bago naibenta ang prangkisa sa Purefoods ng Ayala Corp taong 1987.
***
Espesyal na bisita muli natin sa OKS@DWBL si PSC Chairman Pato Gregorio. Nakatuon ang panayam sa paghahanda ng Pilipinas sa parating na SEA Games.
Katoto natin sa programa si Lito Cinco ng People’s Tonight.