Advertisers

Advertisers

Akbayan, Risa et al… nakatuon na sa 2028

0 99

Advertisers

NAPAPAILING nalang ako rito sa Akbayan. Oo! Mantakin mong isigaw nila sa Trillion Peso March rally sa EDSA last Sunday, November 30, ang “Marcos, step up; Sara, step down!”

Step up si Marcos? Eh ang Presidente nga mismo ang itinuturong “mastermind” ng P100-bilyong budget insertion, base sa mismong salaysay ni Zaldy Co.

Step down si Sara? Gayong kahit anong pilit na bahiran ng dumi ang kanyang pangalan, ni minsan ay hindi nababanggit ang Vice President sa flood control mess. Ang kontrobersya na ito ang pinakamalaking iskandalo na kinakaharap ngayon ng bansa kungsaan bilyun-bilyong piso na ninakaw sa kaban ng bayan ang pinag-uusapan. Mismo!

Bakit ganito ang postura ng tinatawag na makakaliwa at progressive na Akbayan bloc? May kinalaman ba ito sa nalalapit na 2028 Presidential elections? Hmmm…

Maugong ang usapan sa plano ng Akbayan na itulak si Risa Hontiveros sa presidential race sa 2028. Pilit na inilalako ang soft, clean, feel-good image ni Risa bilang alternative sa malakas na dating ni VP Sara. Ang problema, sobrang malakas parin si Sara sa masa at sa kanyang Mindanao base.

Hindi tuloy maiwasan magtanong ng karamihan na nagmamasid kung sinasadya bang palabnawin ng Akbayan ang kanilang mga prinsipyong tinatayuan para lang makakuha ng suporta mula sa administrasyon sa darating na halalan.

Kapansin-pansin din sa rally na hindi manlang nabanggit ng Akbayan si Congressman Martin Romualdez, ang pinakamalaking pangalan sa flood control scandal. May mga effigy ng ilang senador at kongresista, pero wala ni isang placard laban sa dating Speaker, na ayon kay Zaldy Co ay bilyones ang nakuhang kickbacks mula sa ghost projects. Totoo bang anti-corruption ang Akbayan?

Maugong ang usap-usapan noon na nagkaroon ng “deal” sa dating Speaker ang grupo, at ito ang dahilan kung bakit naupo si Perci Cendaña bilang kongresista. “Natanggal” kasi ang ilang party-list, kasama na ang Duterte Youth. Isinusulong noon ni Romualdez ang impeachment laban kay VP Sara, na sang-ayon naman sa gusto ng Akbayan. Masyadong maraming coincidence.

Naalala n’yo ba ang hirit noon ni Senator Alan Cayetano na “bakit kapag si Risa, amendment ‘yan, hindi insertion”? May bigat ‘yang hirit na ‘yan, kasi totoo nga naman. Kapag sila ang gumawa, sang-ayon sa batas. Kapag iba ang gumawa, biglang “insertions”, “pork”, “corruption”. Ang bilis magkaron ng double standard, lalo na mula sa grupong binansagan ang sarili na “moral compass” ng oposisyon.

May hirit din itong si Chel Diokno na wala raw siyang political ambitions. Porke masaya na raw siya bilang human rights lawyer. Kung ganoon, bakit tumakbo pa siya para maging kongresista? Hindi ba’t tinangka rin niya pero nabigo na maging senador noong 2022? Anong drama ‘yan? Nasopla tuloy siya ni Congress-meow Kiko Barzaga.

Mabuti pa nga itong Makabayan bloc, diretso ang panawagan: mag-resign ang lahat ng sangkot, mula ulo hanggang buntot. Walang paliguy-ligoy. Walang drama.

Ang Akbayan, ang lakas mangaral, pero parang pinipili lang kung sino ang dapat managot. Numero uno siyempre ‘yung maaaring makabangga nila sa 2028 elections. May mali ba sa mga obserbasyong ito? Kayo na ang humusga!