Advertisers
BAGO ang lahat, pagbati muna sa ating lahat ng isang mapayapa at mapagpatawad na Kapaskuhan. Nagpapasalamat tayo na sa kabila ng mga ingay sa pulitika at mga nakapanghihilakbot na insidente ng malawakang katiwalian sa loob ng pamahalaan, ‘andyan pa rin ang ating mga kaibigan at mga mahal sa buhay na kasama natin sa paniwalang may maganda pa ring bukas na naghihintay sa ating lahat.
Kudos din sa ating mga kasamahan sa media sa kanilang mga simple subalit makabuluhang pagsasalo-salo papalapit ang araw ng Pasko. Sa ating mga kasamahan sa National Press Club, sa ating pamilya sa Police Files Tonite at Remate at sa ating mga kasamahang maniniyot sa Senate Press Photographers Association (SPPA) at sa Press Photographers of the Philippines (PPP). Mabuhay tayong lahat!
***
Sa pagsambulat ng daang bilyones na ‘flood control project scam,’ isa mga mambabatas na agad “pinag-initan” ng administrasyon ay ang magkapatid na sina Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Rep. Edvic Yap.
Hindi natin ipinagtatanggol ang magkapatid na mambabatas, dear readers. Dangan nga lang kasi, marami ang nakapansin na kaya sila ang agad na “inginuso” sa hanay ng mga kongresista ay dahil “markado” silang nasa kampo ng pamilya Duterte.
Sa madaling salita, sila ang gustong “idiin” sa kasong ‘guilt by association’ sa mga Duterte. Krimen na ba ito ngayon? Na maging kilala at kaibigan ka ng nakaraang administrasyon?
Kumbaga, patuloy ang ‘script’ ng nakaupong gobyerno na basta katiwalian at eskandalo, importanteng agad na ituro, imbestigahan at ipahiya ang mga taong ‘identified’ sa mga Duterte.
Bagaman nga isinabit ni ex-Cong. Zaldy Co si Cong. Eric sa kontrobersiya, bakit ang “mas malaking isda” si ex-Speaker Martin Romualdez at BBM, “malabnaw” pa rin ang imbestigasyon at pulos ‘press release’ lang ang isasampa (daw) na mga kaso kay Romualdez at mga kakampi niyang kongresista?
Sa totoo lang, sirang-sira na ang estilo ng gobyerno na para pagtakpan ang mga kasalanan nito, ang dapat sisihin at “ipako sa krus” ay ang kalabang kampo.
Sa kabila ng lahat, gusto pa rin nating maniwala na sa dakong huli, mananaig ang katotohanan at mapaparusahan ang mga totoong korap at magnanakaw sa pondo ng taumbayan.
“Karma” at hustisya ang tawag d’yan.