Advertisers
Mukhang mas malinaw na ngayon kung bakit patuloy na nasasangkot ang pangalan ni Sen. Chiz Escudero sa iba’t ibang isyu. Sa isang interview sa ANC, inamin ni Department of the Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla na pinag-iisipan niyang tumakbo sa 2028 presidential elections. Maaaring ito’y simpleng feeler, ngunit maaari rin itong indikasyon ng mas seryosong plano.
Sa parehong panayam, isinama ni Jonvic ang pangalan ni Chiz bilang isa sa mga posibleng kandidato. Kapansin-pansin ito dahil hindi pa naman nagbubunyag ng anumang political plans ang senador at mas pinipiling ituon ang oras sa paggawa ng mga batas na may direktang mabuting epekto sa buhay ng mga Pilipino.
Sa kabila nito, hindi maikakaila na malakas ang public appeal ni Chiz. Mataas ang antas ng tiwala sa kanya, maayos ang kanyang track record sa serbisyo-publiko, at may malawak na recall sa masa. Sa maagang yugto ng larong pulitikal, sapat na ang mga ito upang ituring siyang potensyal na balakid.
Kung ganito ang pagbasa sa sitwasyon, mas nagiging malinaw kung bakit tila hindi tumitigil si Ombudsman Boying Remulla sa paghahanap ng paraan upang madiin si Chiz. Sa kabila ng pahayag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na hearsay lang ang mga paratang, patuloy pa rin ang mga hakbang laban sa senador.
Ang ganitong estilo ay pamilyar na sa pulitika ng bansa. Ganoon din ang nangyari kay Vice President Sara Duterte nang pilitin ang impeachment laban sa kanya, hanggang sa tuluyang magsalita ang Supreme Court at ibasura ang kaso. Sa kasalukuyan, ang ICI naman ang tumatayong institusyong naglilinaw sa mga paratang laban kay Chiz.
Sa huli, ang mas mahalagang usapin ay ang papel ng Office of the Ombudsman. Bakit tila agresibo ito sa mga kasong kulang sa ebidensya ngunit nananatiling tahimik sa mga isyung may malinaw na rekomendasyon laban sa mas makapangyarihan? Kapag ang isang institusyong inaasahang maging neutral ay nagmumukhang nagtatanggol lang sa iilan, lehitimong kwestyunin ang tunay nitong independence at kredibilidad.