Advertisers
UMANI man ng pagkabigla at pagtuligsa, ang matinding pahayag ni Senador Robinhood Padilla na “isarado na ang Kamara at Senado” ay hindi dapat basta ituring bilang padalus-dalos o “exaggerated” na emosyon.
Sa halip, sa palagay ko, ito’y dapat basahin bilang isang desperadong sigaw ng pagkabigo, hindi lamang ng isang mambabatas, kundi ng sambayanang matagal nang sawang makakita ng imbestigasyong nauuwi raw sa wala.
Kaya sa gitna ng mainit na bangayan sa Kongreso ukol sa umano’y anomalya sa flood control projects, malinaw ang punto ni Padilla, naliligaw ang diskurso.
Sa halip na tutok sa pananagutan at hustisya, nauuwi raw ang mga pagdinig sa pamumulitika, pagpapakitang-gilas, at pagtatanggol sa pansariling interes.
Ang ganitong eksena ay hindi na bago at siyempre, dito tumatama ang bigat ng kanyang sinabi.
Hindi rin maikakaila ang katotohanang binigyang-diin ng senador, ang PDAF, DAP, at ngayon flood control na pare-parehong may malalaking isyu, kapwa may matitinding ingay, ngunit sa huli, tila pare-pareho ring walang malinaw na pananagutan.
Masasabing ang paulit-ulit na siklong ito ang tunay na ugat ng galit at pagkadismaya ng publiko.
Ang panawagan ni Padilla ay hindi literal na pagsasara ng Kongreso, kundi isang matinding hamon na kung hindi kayang gampanan ng mga institusyon ang kanilang mandato nang may integridad, mas mabuting huminto at magnilay.
Mas mabuting umamin sa kabiguan kaysa magkunwaring may nangyayari habang patuloy na nalulunod ang bayan, literal at simbolikal, sa baha ng katiwalian.
Sa pagbabanggit niya ng mga usapin gaya ng budget insertions, amendments, at maging ng “Cabral Files,” inilantad ni Padilla ang mas malalim na problema tungklol sa sistemang tila sanay na sa iskandalo ngunit manhid na sa reporma.
Ang kanyang panawagang “i-abolish” ay hindi paghihimagsik, kundi tila pagod na panalangin para sa tunay na pagbabago.
Subalit ang Kamara at Senado ay haligi ng demokrasya. Kapag isinara ang diskurso, sino ang magsasalita para sa taumbayan?
Kapag pinatay ang institusyon, paano papanagutin ang nasa kapangyarihan? Ang galit ay nauunawaan, ngunit ang solusyon ay hindi maaaring basta wasakin ang bahay dahil lamang marumi ang loob nito.
Sa isang panahon kung saan madalas pinapakinis ang mga salita upang iwasan ang batikos, ang lantad at prangkang pahayag ni Sen. Padilla ay nagsisilbing salamin ng damdamin ng maraming Pilipino.
Maaaring masakit pakinggan o maaaring hindi popular, ngunit minsan, kailangan ang matinding salita upang gisingin ang isang sistemang matagal nang nakapikit.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.