Advertisers

Advertisers

Lacson: 5 Cabinet Secretaries may allocables at/o non-allocables sa 2025 budget base sa DPWH at Cabral File

0 14

Advertisers

HINDI bababa sa limang Cabinet secretaries at ilang undersecretaries ang may bilyon-bilyong pisong allocables at/o non-allocables sa 2025 budget base sa dokumento mula sa kampo ng yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral at sa mismong DPWH.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson, kabilang dito ang isang tinukoy na “ES” na may P8.3 bilyon, at si dating DPWH Sec. Manuel Bonoan, na nakakuha ng P30.5 bilyon na allocables para sa 2025 lamang.

“At least five. Tapos may undersecretaries. Nagulat din ako, isang nakalagay doon, ‘ES, P8 billion.’ Paano magkaroon ng allocable ang ‘ES’?” ani Lacson sa panayam ng DWIZ.



“Kay Sec. Bonoan, nakita ko ang kanyang allocables isang P5 billion, tapos may Batches 1-3 na nakakahalaga ng P25.5B – P10B, P8B, at P7.5B. Umaabot na siya ng P30.5 billion. Anong karapatan niya magkaroon ng allocables? Tapos meron ding Cabinet secretaries na meron ding tig-P2 billion. Bakit?” wika pa ng senador.

Ani Lacson, may bilyon-bilyong halaga ng allocable rin para sa House leadership at sa ilang party-list group.



Dagdag niya, hindi pa tiyak sa ngayon kung may matatanggap pang pondo ang mga Cabinet member mula sa iba pang ahensya sa 2025 budget.

Ibinunyag din ni Lacson na hindi bababa sa isang Cabinet member na bukod kay Bonoan ang nakinabang sa kickback, batay sa pahayag ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na naghatid ng pera sa nasabing opisyal.



“Aside from Bonoan, at least one more Cabinet member meron siyang binigyan,” ani Lacson, at idinagdag na maaaring ipatawag ang naturang opisyal sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kapag napatunayan na ang mga kaugnay na dokumento.

Sinabi rin niya na maaaring ipatawag ang mga Cabinet secretary sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga maanomalyang flood control project kapag na-authenticate na ang mga dokumento, kabilang ang mga Special Allotment Release Order (SARO) na may petsang Disyembre 27, 2024.

Ayon pa kay Lacson, ang mga dokumentong kanyang natanggap mula sa kampo ni Cabral ay nagpapakita na ang mga SARO ay may kinalaman sa pagpapalabas ng P50 bilyon na unprogrammed appropriations, kung saan P30 bilyon ay inilaan sa flood control projects — at marami sa mga ito ang napatunayang ghost projects.

Ikinuwento ni Lacson na matapos siyang banggitin ni dating Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee noong Nobyembre 14, ay nakipag-ugnayan sa kanya si Cabral at nagpahayag ng kahandaang magsabi ng lahat, subalit pumanaw ito noong unang bahagi ng buwang ito.

Gayunman, sinabi ni Lacson na maaari nilang ipa-authenticate ang mga dokumento sa officer-in-charge ng DBM na si Rolando Toledo o sa DPWH mismo.

Binanggit din ni Lacson na ipinahiwatig ni Cabral bago siya pumanaw na handa siyang tumestigo hinggil sa mga SARO.

“Ang pinagbabasehan ko lang ang hawak bigay sa akin ng lawyer ni Usec Cabral at ibang documents nakuha ko sa DPWH. Pwede ko pa-authenticate sa kanila yan,” saad ni Lacson.

“Bakit magkaroon ng allocable ang Cabinet secretary? Pag allocable, patungkol ito sa mambabatas na naghihiling ng proyekto na hindi rin dapat para sa akin… Ang NEP is exclusive domain ng executive branch,” dagdag niya. (Mylene Alfonso)